Pumunta sa nilalaman

Polimata

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Leonardo da Vinci, isang polimata ng Renasimiyento

Ang polimata (Griyego: πολυμαθής, polymathēs, "maraming natutuhan"; Latin: homo universalis, "taong sansinukob")[1] ay isang indibidwal na mayroong sadyang malawak na kaalaman tungkol sa iba’t ibang paksa, kilala sa pagkukuha mula sa kumplikadong lawas ng kaalaman upang lutasin ang mga tiyak na problema.

Kabilang sa mga polimata ang mga dakilang palaisip ng Renasimiyento at Pagkamulat na nakahigit sa mga iba't ibang larangan sa agham, teknolohiya, inhenyeriya, sipnayan, at ang mga sining. Noong Italyanong Renasimiyento, ipinahayag ang ideya ng polimata ni Leon Battista Alberti (1404–1472) sa sinabi niyang "magagawa ng isang tao ang lahat ng mga bagay kung gugustuhin niya".[2]

Kumakatawan sa isang pangunahing turo ng humanismo ng Renasimiyento na walang-hanggan ang kapasidad ng mga tao sa paglilinang, ang konsepto ay humantong sa palagay na dapat yakapin ng mga tao ang lahat ng kaalaman at pabutihin ang kanilang kakayahan nang lubusan hangga't maaari. Ipinapahiwatig ito sa terminong taong Renasimiyento, kadalasang binabansagan sa mga matatalinong tao ng panahong iyon na sumikap na linangin ang kanilang kakayahan sa lahat ng larangan ng tagumpay: pangkaisipan, panlipunan, pangkatawan, at pangkaluluwa.

Taong Renasimiyento

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Unang naitala ang Renaissance man ("taong Renasimiyento") sa nakasulat na Ingles noong unang bahagi ng ika-20 siglo.[3] Ginagamit na ito ngayon upang tumukoy sa mga dakilang palaisip bago, habang, at pagkatapos ng Renasimiyento. Kadalasang inilalarawan si Leonardo da Vinci bilang halimbawa ng taong Renasimiyento, isang tao na may "di-maapulang pagkamausisa" at "puspusang mapanlikhang imahinasyon".[4] Maraming katangi-tanging polimata ang nabuhay noong panahon ng Renasimiyento, isang kilusan ukol sa kultura na tumagal mula ika-14 hanggang ika-17 siglo na nagsimula sa Italya sa Huling Edad Medya at kalaunang kumalat sa iba pang bahagi ng Europa. Ang mga polimata ay nagkaroon ng malawakang pamamaraan sa edukasyon na nagpahiwatig sa mga mithiin ng mgahumanista ng panahon. Inasahan na ang lalaki o kortesano ng panahong iyon ay nakakapagsalita ng iilang wika, nakakapagtugtog, nakakapagsulat ng tula at iba pa, kaya tumutupad sa minimithi noong Renasimiyento.

Ang ideya ng pangkalahatang edukasyon ay naging mahalaga sa pagtatamo ng polimatang abilidad, kaya ginamit ang salitang unibersidad upang tumukoy sa isang sentro ng kaalaman. Noong panahong ito, hindi nagpakatangi ang mga unibersidad sa mga tiyak na larangan, ngunit sa halip ay nagsasanay ng mga mag-aaral sa malawakang tugday ng agham, pilosopiya, at teolohiya. Nagbigay ang pangkalahatang edukasyon ng sanligan sa kanila kung saan maaari silang tumuloy sa pag-aaprentis patungo sa pagiging dalubhasa ng isang tiyak na larangan.

Kung mayroong tinatawag na "taong Renasimiyento" ngayon, ibig sabihin nito na sa halip ng pagkakaroon ng malawakang interes sa iilang larangan, ang indibidwal ay may mas malalim na kaalaman at kasanayan o kaya'y kadalubhasaan, sa iilan sa mga larangang iyon.[5]

Ginagamit ng iilang diksyunaryo ang terminong "taong Renasimiyento" upang ilarawan ang taong may mararaming interes o talento,[6] habang binibigyan ito ng iba ng kahulugan na mas nalilimitahan sa Renasimiyento at mas malapit sa mga mithiin ng Renasimiyento.

Mga sikat na polimata

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Ask The Philosopher: Tim Soutphommasane – The quest for renaissance man". The Australian. 10 Abril 2010. Nakuha noong 2018-07-27.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Renaissance man – Definition, Characteristics, & Examples".
  3. Harper, Daniel (2001). "Online Etymology Dictionary". Nakuha noong 2006-12-05.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Gardner, Helen (1970). Art through the Ages. pp. 450–456.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Renaissance man — Definition from the Merriam-Webster Online Dictionary". M-w.com. Nakuha noong 2012-04-06.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Oxford concise dictionary". Askoxford.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Abril 2008. Nakuha noong 6 Abril 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Hitchens, Christopher "Thomas Jefferson: Author of America (2005), Harper Collins ISBN 0-06-059896-4