Showing posts with label Kwentong "Mess Kit" (Humor in Uniform). Show all posts
Showing posts with label Kwentong "Mess Kit" (Humor in Uniform). Show all posts

Saturday, September 21, 2019

Magdamagang ratratan sa kasukalan: MSg Bobords Dela Cerna's Combat Story (Part 7)



Nagkagulo ang kanilang pwesto dahil sa harassment na ginawa ng mga kalabang Bangsamoro Army habang sila ay halinhinang naghapunan.

Tumakbo si 1Lt Suarez papunta sa covered position para ma-control ang tropa.

“Return fire!”

Pak! Pak! Pik! Pik! Brrrrrt! Bratatatat! Bang! Bang! Ka-blaam!

Iba’t-iba ang tunog ng kanilang mga armas dahil tila chopsuey ang issuance na kanilang natanggap na kagamitan.

Ang M16A1 Rifle ay para sa mga officers. Ang M1 Garand ay sa mga squad members. Ang Cal 30 M2 Carbine ay para sa mga Team Leaders. Ang M1 Garand ay para sa mga Second Class Trainees.

“Magkakaiba ang mga baril at mga bala na aming gamit sa battalion dahil halo-halo ang issuance sa Molave Warriors. Base sa gamit na baril, natutukoy namin kung sino ang mga ito,” sabi ni Bobords.

Minsan, naging problema rin sa mga tropa ang cross-loading ng bala dahil hindi magkakapareha ang caliber ng ammo na dala-dala nila.

Tumagal ng humigit kumulang sa kalahating oras ang palitan ng putok sa pagitan ng Molave Warriors at ng katunggaling Bangsamoro Army.

“Cease fire! Cease fire! Observe!”

Brrrrrrt! Brrrrt! Brrrt! 

Kumakanta pa rin ang machinegun ni Bobords.

“Gikolera man kaha ka diha nganong sige pa kag pabuto?” Boses ni Lt Betonio. (#$* ka ata, bakit lagi ka pang nagpapaputok?)

“Ako ning ipapanihapon ug bala ning mga samokan sir! Nagutman ko aning mga buang unya morag mabilar gyud tang tanan aning kalakiha!” (Sir, pakainin ko ng hapunan na bala ang mga magugulong tao na ito. Nagutuman ako sa mga ulol na ito at mukhang mapupuyat tayong lahat sa lagay na ito!)

Sa buong magdamag, pinagbigyan nina Bobords at ng Molave Warriors ang mga MNLF sa tagisan ng palakasan ng apog kung sino tatagal sa kulang ang kain at kulang din ang tulog.

Bandang alas tres ng umaga, naramdaman ni Bobords ang tapik mula sa kanyang balikat. Paglingon nya, naaninag nya si Castillo.

“Batch, ubani ko sa kalibunan beh. Kalibangon na kaayo ko!” (Batch, samahan mo ko sa kasukalan. Sobrang natatae na ako!)

Sa inis, nagising nang mabuti si Bobords sa sinabi ng kanyang classmate.

“Naunsa ka, gusto nimo nga mamatay nga malibang? Pagkutkot diha tapad sa ako, pasalipod anang lubi ug humana kanang imong problema,” instruction ni Bobords bilang paalala sa kanilang SOP sa patrol base operations.  (Ano ka, gusto mong mamamatay na umeebak? Maghukay ka dyan sa tabi ko, magtago ka sa likod ng niyog at tapusin mo problema mo!)

At, tiniis-tiis nya ang amoy sa ginagawang ‘tanggal-problema’ ng kanyang classmate mga 2 metro lang sa kanyang likuran.

Na-busy rin sya buong magdamag sa pagpisat ng lahat ng lamok na sumisipsip sa kanyang dugo pagkatapos ng suicide attack ng mga ito sa kanyang pisngi at leeg. 

Inantay nila ang dahan-dahang pagsikat ng araw para maobserbahang mabuti ang nasa paligid. Nagtapikan sila sa balikat at nakita nya ang hand signal ng kanilang mga NCOs.

“Skirmishers line. Search!”

Doon nya nakita ang mga bangkay ng mga MNLF na naiwan na sa encounter site. Lasog-lasog ang katawan nila sa tama ng bala. Napansin ni Bobords na mga binatilyo pa ang iilan sa kanila.

“Naawa ako sa mga bata na nakita kong namatay. Ang iba nga ay halos matangkad lang ng konti sa bitbit nilang FN FAL rifle,” sabi nya.

Para kay Bobords, walang personalan ang kanyang pakikidigma sa mga Tausug. 

"Pinadala kami ng gobyerno para sagipin ang mga tao na naipit sa pang-aatake ng mga MNLF. Kung armadong rebelde ang sumasalubong sa amin habang nagpapaputok ng armas, natural, paputukan din namin!"

Ang sumunod na instruction sa kanila ay ibinigay pagkatapos nilang nag-agahan bandang alas otso.

“Mag-link up tayo sa 14th Infantry Battalion na nasa bandang Jolo airport. Kailangan nating lusubin ang mga kalaban na naka-okupa sa mga bahayan na nasa paligid nito,” sabi ng kanyang Platoon Leader.
Ang Alpha Company ang na-designate na Main Effort sa pinakauna nilang urban warfare experience sa serbisyo. Kasama si Bobords sa leading elements ng kanilang Platoon, bitbit ang kanyang machinegun at sukbit sa likod ang kanyang M1 Garand.

Ka-blaaam! Bratatat! Bratatat!

Nagsimula na ang welcome ceremony ng MNLF para sa kanila. Kanya-kanyang kubli sa mga sementong bahay ang tropa ng Alpha Company.

Nakakasagupa ng Molave Warriors ang pwersa ng Moros na noon ay branded bilang Maoist rebels dahil nakalinya diumano sa komunista ang ideolohiya nila.

Dahil sa combat operations simula ng proklamasyon ng Martial Law noong 1972, dumadami ang namamatay sa hanay ng MNLF at pinipilit ng Southwestern Command ng AFP sa pamumuno ni General Romulo Espaldon ang pagpagana ng ‘Policy of Attraction’ para mapasuko ang mga miyembro nito.

“Allahu Akbar!”

Isang seryosong tagisan ng katapangan ng mga Bisaya at Tausug ang magaganap sa semi-urban area sa paligid ng Jolo Airport.

(Ipagpatuloy sa Part 8)




Wednesday, September 11, 2019

Di bale nang mamatay, wag lang mapahiya: Msg Bobords Dela Cerna Story (Part 4)



Larawan ng Jolo na kinuhanan pagkatapos na ito ay masunog sa bakbakan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front noong February 7-12, 1974. Nasa background ang Mt. Tumatangis (Weeping Mountain) na tila umiiyak sa sinapit ng kanyang mga anak na Tausug, ang kasama sa mga biktima ng karahasan. (Photo from MNLF online publication)


Bakbakan sa Jolo

Isa sa mga kasama ni Bobords sa combat deployment sa Mindanao noong panahon na iyon ay si Msgt Rodolfo ‘Randy’ Ecija Sr.,  isang Waray, at tinagurian na isa ring Living Legend ng mga Musang sa Mindanao.

Dati syang miyembro ng 11th Infantry Battalion, ang nag-iisang Army unit na nakikidigma sa Moro National Liberation Front sa Sulu simula 1972 hanggang 1973. Nalipat sya bilang Platoon Sergeant sa 15th Infantry Battalion nang ma-pull out ang 11th IB at ibinalik sa 3rd Military Area sa Cebu.

Ayon sa kanya, sa Cotabato area ang orihinal na destinasyon ng 15th Infantry Battalion ngunit nabago ang lahat dahil sa isang FRAG-O (Fragmentation Order) na kung saan ay inilipat ang kanilang destinasyon.

“Di ko yon inaasahan na mabalik ako Jolo pagkatapos ng 2 taon kong deployment sa nasabing lugar. Nang atakehin ng mga MNLF ang mismong syudad noong February 7, 1974,” sabi ni Msgt Ecija na nanilbihan sa hot spots a secessionist insurgency sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao na umabot ng sobra dalawampung taon.

Si Ranger Ecija at Bobords ay parehas ng naging ganap na Musang nang sila ay naka-graduate sa SR course sa magkahiwalay na pagkakataon. Noong February 7, parehas silang na-boring sa kaaantay ng paglayag papunta ng Sulu mula sa Port of Zamboanga.

Si Ranger Ecija ang kasama sa nag-supervise sa mga 2nd Class Trainees kagaya ni Bobords sa pagkakarga ng mga supplies na gagamitin nila sa nagaganap na bakbakan sa mismong sentro ng Jolo.

Bilang trainees, ang leg work sa battalion ay nakasalalay sa kagaya ni Bobords.

“Nagkandakuba kami sa pagbuhat ng kahon-kahong bala na baon naming papuntang Jolo. Sa dami ng  aming kinarga, alam ko na matindi ang labanan ang nag-aantay sa amin,” sabi niya.

Bala ng mortar, machine gun, kanyon, bigas, de lata, at karagdagang sasakyang pang-militar ang nakasalansan sa deck ng barko na sinakyan nila.

Lupaypay sa pagod ngunit gising ang diwa ni Bobords dahil sa kanyang pinakaaantay na pagkakataon na maranasan ang pagiging mandirigma ng bayan.

Pagabi na noong February 7, 1974 nang naglayag silang mula papunta sa sentro ng aksyon sa Sulu na kung saan ang ibang military units kagaya ng 14th Infantry Battalion na pinamunuan ni Col Salvador Mison Sr. at Marine Battalion Landing Team, ay kasalukuyang nakikidigma sa mismong poblacion ng Jolo.

Maraming pumapasok sa kanyang isipan habang pinipilit nyang umidlip para makapagpahinga.

Sumandal sya sa isang sulok katabi ng tropa ng Weapons Squad kagaya nina Cpl Tunac, Pfc Castillo, at Pfc Asoki. Minsan na nakakatulog na sya kayakap ang kanyang asawang M1 Garand, ginulantang sya ng tila busina ng barko.

Prrrrrrrrrrrrt! Brooooooot! Tssssh!

Ang akala nya, hudyat na iyon na dumating na sila sa Jolo landing site kaya bigla syang bumangon nang maalimpungatan!

“Pisting giatay, hilik pala ni Sgt Tunac!”

Dahil doon, hindi na sya nakatulog uli lalo na dahil sa makulit na alon na walang hinto sa pag-uuga sa kanyang hinigaang patong-patong na karton at combat packs.

Nagsawa sya sa kabibilang ng bituin sa langit nang mapansin nya na dahan-dahang nag-iba ang kulay sa kalangitan. Sa militar, iyon ang tinatawag nilang Beginning of Morning Nautical Twiligh (BMNT) na kung saan nag-aagawan ang hari ng kadiliman at ang Anghel ng Kaliwanagan.

Tumayo sa at sinilip ang kapaligiran kasama ang mas marami ring tropa na di rin nakatulog sa kaiisip kung ano ang mangyayari sa kanila paglapag sa landing site.

Narinig ni Bobords ang boses ng isang Musang na NCO na dati na rin sa Sulu.

“Ang nasa harapan natin ay ang islang lalawigan ng Sulu, ang lugar ng Tau Maisug (Matapang na Tao) o Tausug!”

Bog. Bog. Bog. Nagwawala na naman ang kanyang dibdib at tila sinilihan ang kanyang katawan.

Tinatanong nya ang kanyang sarili: “Matapatan kaya ng BiBu (Bisayang Sugbu) ang kabangisan sa away ng Tausug?”

Bandang alas singko, nasa kalagitnaan sya ng pagmuni-muni nang mabulabog ang mga batching nya na mga ‘Kitchen Police’ ng nakakakilabot na boses ng kanilang Mess NCO.

“Mga bugoy, man the kitchen! Ihanda ang numero diyes na ulam!”

Mabangis ang kanilang Mess NCO sa larangan ng lutuan at ‘Master Chef’ sya sa pagluluto ng menu na ‘Number 10’. Isang pirasong tuyo at isang pirasong itlog! Ipagtabi mo sa plato ang tuyo at itlog, Numero Diyes!

Sa kanilang magka-batch, meron ding pasiga-siga dahil malaki ang katawan kagaya ni 2nd Class Trainee Hontiveros. Porke patpatin ang kanyang pangangatawan, sinisigaan sya nito paminsan-minsan.

Nagsasalok sya ng tubig sa dagat gamit ang kaldero nang bigla syang itinulak nito kaya natampisaw sya sa tubig. Agad syang naglangoy para lumutang pero ang mabigat na kaldero ay kanyang nabitawan.

“Ang akala ni Hontiveros ay hindi ako marunong maglangoy eh laking Sugbu ako. Noong bata nga ako ay parang kinalawang na buhok ko sa kakasisid sa dagat sa paglalaro naming ng languyan!”

Inis man sa kanyang batchmate, umakyat sya pabalik sa barko at agad nilapitan ang ngising demonyo na si Hontiveros.

“Bay, doon sa mga mandirigmang Tausug mo ipakita mamaya ang iyong tapang!”

Busog na lumalaban

Bandang alas nuwebe, naririnig na nya ang mga boses ng mga NCOs ng bawat platoons.

“In 10 counts, ubusin ninyo ang lahat ng pagkain sa inyong meat can! Dapat busog kayong lahat na lumalaban!”

Binilisan ni Bobords na lumamon ng pagkain sabay lagok ng tubig. Naririnig na nila ang putukan sa Jolo at umuusok ang ilang lugar sa sentro na tila nasusunog sa nangyaring bakbakan.

Naisip nya na baka panghuli na nya iyon na agahan. Dinamihan nyang kumain ng kanin dahil possible ring pasma ang abutin sa dire-diretsong paglusob ng kanilang batalyon papunta sa pwesto ng kasamahan sa may Jolo airport.

Di kalaunan, nakita nyang inorganisa na ang mga landing crafts sa labas ng LST. Iyon ang kanilang sasakyan papunta sa dalampasigan mga 3 kilometro lang ang layo mula sa kanilang pinag-angklahan.

Napansin nila na tila walang imik sa pwesto ng kanilang landing site. Nasa landing crafts na ang mga platoons ng Molave Warriors at nakaporma nang skirmishers line nang nagsimula ang preparatory fires.

Booom! Booom! Booom! Yumayanig ang kanilang mas maliliit na landing craft habang umaalingawngaw ang putok ng naval gun fire. Pinapanood nila ang pagsabog ng bala sa dalampasigan.

“Wagaaam! Blaaag!” Usok at tilamsik ng buhangin ang kanyang nakikita sa mga niyugan at sukalan.

“Pinaulanan ng Philippine Navy ng katumbas ng bala ng kanyon ang lugar na aming pagdaungan at parang planting rice ang kanilang ginawa para siguraduhing mapulbos ang kahit sino mang nakapwesto doon,”sabi nya.

Kinapa ni Bobords ang kanyang steel helmet at hinigpitan ang pagtali nito. Napaisip sya kung kaya ba talagang harangin nito ang bala na itinitira sa kanila.

Kung tatablan man ang helmet o hindi, wala na syang pakialam. Naalala nya uli ang itinurong dasal ng kanyang lolo na antingan. Pumikit sya at nanalangin sa Panginoong Diyos.

“Ikaw na ang bahala sa akin Diyos Ama. Bigyan mo ako ng proteksyon para an gaming misyon ay aking magampanan.”

Papalapit nang papalapit na sila sa dalampasigan pagkatapos na huminto ang pagratrat ng naval gun fire.

Nilingon nya ang mga kasamahang sundalo at nakikita nyang paulit-ulit nag-sign of the cross ang iba, samantala ay tila nagsasalitang mag-isa ang iba. Ang mga Musang na kagaya ni Sgt Banzon ay di nagsasalita at nakatuon ang pansin sa kanilang pagdaungan.

“Gentlemen, lock and load! Ready to land!”  Boses ng 1Lt Suarez.

Sinundan naman ito ang boses ng mga senior na Musang. Nanlilisik ang mata ni Sgt Banzon na humarap sa amin. Parang mas nakakatakot ang bangis ng mukha nya kaysa isang kilabot na bandido.

“Dodong, wag nyong humiwalay sa inyong teams at squad! Makinig sa boses ng mga sarhento!”

Mas kinabahan sya sa sabat ng isa pang Musang na nasa tabi nya: “Mga bugoy, kung kayo ay tatakbo sa labanan, ako ang babaril sa mga talawan (matakutin)!”

Mga isang daang metro sa dalampasigan, dahan dahan nang binaba ang rampa sa harapan. Sinilip nya ang sukal sa harap pero wala ni isang tao ang nakikita. Kakaiba ang ang kaba na kanyang nararamdaman.

Mga 50 metro mula sa buhangin, tila napaaga ang tunog ng bagong taon sa kanilang harapan.

Kumanta ang napakaraming armas ng mga kaaway mula sa sa kasukalan sa  ilalim ng niyugan.

Bratatatatat! Bababab! Pikpikpik! Plok! Blaaam!

Nakita nya na ang ibang mga kasamahan sa platoon ay agad tinamaan. “Agay! Agay! Naigo ko! Naigo ko!”

“Talon! Talon! Baba! Baba! Assault!” Nangunguna sa unahan ang kanilang mga Musang na NCOs.

Tumalon na rin si Bobords sa tubig para lumusob. Di na baling mamamatay, huwag lang mapahiya.

Pilit nyang abutin ang ilalim ng tubig, kaya lang medyo napunta sya sa malalim na lugar. Mata lang nya ang nakalutang sa ibabaw ng tubig.

Marami-rami ring tubig dagat ang kanyang nainom bago sya naka-abot sa bahaging ga-leeg ang water line. Tumitilamsik ang mga bala sa kanyang paligid at tila ang pagratrat sa kanila ay walang katapusan.

Doon nya nalaman na mahirap palang tumakbo habang nasa tubig ngunit kung pinapaulanan ng bala ay tatalunin din ang milagrosong tao na parang naglalakad sa tubig sa bilis ng galaw!

Kasama ang ilang batchmates, narating nya ang buhangin katabi sina Sgt Tunac na hila-hila ang kanyang Cal 30 M1919 Machinegun.

“Castillo, ang tripod! Asoki, ang bala!” Humihiyaw si Sgt Tunac.

 “Assault! Assault!” Sigaw ng mga Musang na NCOs.

“Mama! Mama!” Humihiyaw sa sakit ang mga tinamaan. Ang iba di na nakaahon sa tubig.

Luminya si Bobords kina Sgt Tunac at sa mga kasamahan nya sa Squad. Hinihingal sya sa kakakampay sa tubigan at nasuka-suka sa dami ng nainom na tubig.

Bigla na lang, kumalabog ang steel helmet ni Private Tunac na tila sya ay binatukan.

Aaaargh! Boses ni Pvt Tunac. Nakatagilid na at umaagos ang dugo sa kanyang ulo. Dead on the spot sya.

Umuulan pa rin ng bala. Umaararo ang mga punglo sa lupa sa kanyang tagiliran.

Gusto nyang kunin ang Cal 30 Machinegun sa pwesto ni Sgt Gunac,  pero tila ay binakuran sya ng tilamsik ng mga bala sa kanyang kinalalagyan.

Karamihan sa kanila ay nasa open terrain at walang masubsuban ng ulo. Ang ibang Platoons ay nakagilid na sa niyugan at nasa 5-10 metro ang layo sa fox holes ng mga kalaban. 

Dahil natubigan ang kanyang scope, Malabo ang kanyang sight picture nang pinipilit nyang hanapin ang machinegunner ng MNLF sa harapan, pero pinutukan nya ng patsamba ang mga pwesto na merong gumagalaw na mga dahon ng damo.

Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Kling!

Ubos ang kanyang bala. Paglingon nya uli sa pwesto ni Sgt Tunac, tila iniimbita sya ng Cal 30 machinegun para ito ay kanyang kukunin.

Binilangan nya ang kanyang sarili habang pumorma na takbuhin ang machinegun.

Ready, wan…tu. Tri!

Prak! Bratattatatat! Agh! Pumulandit ang dugo. 

"May tama ako!"

(May karugtong)

Monday, September 09, 2019

Ang paglalayag papuntang Jolo: The story of Msg Bobords Dela Cerna (Part 3)

Ang mga tropa ng 15th Infantry (Molave) Warrior habang lulan sa Landing Ship Tank ng Philippine Navy sa karagatan ng Visayas, patungo sa Sulu Sea para sa kanilang combat deployment. (Photo by Bobords Dela Cerna)


Sa unang pagkakataon, nakasakay si Bobords ng Landing Ship Tank (LST) ng Philippine Navy kasama ang buong tropa ng Molave Warriors.

Para sa kanya, sobrang mabagal ang takbo ng naturang barko na tila ay di umuusad kung malakas ang alon sa karagatan.

Mabuti na lang, mero silang routine activities habang naglalayag sa dagat. Bilang 2nd Class trainee, silang mga 'lowest mammal' sa battalion ang syang mga 'Kaldero Six' na tumutulong bilang 'Kitchen Police'.

"Kami ang automatic na katulong ng aming Mess NCO sa pagluluto ng pagkain para sa buong batalyon. Ang kusina na ata ang naging pinakamainit kong assignment sa tanang buhay ko!"

Samantala, kung open time naman ay minabuti nilang panoorin ang pailan-ilang mga dolphins na sumasabay sa barko na tila nakikipaghabulan ng kalaro sa karagatan. Kung merong nadadaanang mga isla o kaya mga mangingisda, kinakawayan nila ang mga tao na nakikita sa kalayuan.

Napansin nya na pagkatapos ng isang araw sa byahe, kinakalawang ang kanyang M1 Garand.

"Matindi pala ang epekto ng hamog sa dagat dahil kinakalawang agad ang aming mga baril. Dahil ayokong pumalya ito sa tunay na misyon, parati ko itong pinupunasan ng gun oil, kinakasa para makita kung swabe ang functioning nito," sabi nya.

Paminsan-minsan, iniipon kami ng mga Platoon Leaders at mga Platoon Sergeants para sa mga paalala sa mga diskarte ng pakikidigma.

"Dong, parati kayong makinig sa boses ng mga kumander at tingnan kung paano mag-maneuver kasama ang iyong Squad at Platoon. Manggaling tayo sa landing craft paglusob sa beach na ating pag-daungan. Doble ingat parati dahil maaaring napwestuhan na ng kaaway ang lahat ng lugar," sabi ni Sgt Banzon na miyembro ng Scout Ranger Class 16, at isa sa pinaka-respetadong NCO sa unit.

"Huwag na huwag nyong hiwalayan ang inyong baril. Ituring nyo yang asawa na karugtong ng inyong buhay sa hirap at ginhawa," dagdag nya.

Dahil doon, parating naka-sling ang kanyang M1 Garand Rifle kahit saan sya mapunta. Naalala nya na sa training ng Molave Warfare, 'ninanakaw' ng mga Tac NCO ang kanilang baril kung nahihiwalay sa kanila at matinding parusa ang abutin ng mga patulog-tulog na kasamahan.

Sa pangalawang gabi ng kanilang paglalayag, narinig nya na ang nakikita nilang lupa sa kanilang kaliwa ay ang Zamboanga Peninsula. Alam nya na ang Jolo ay nasa bandang kanang bahagi, sa kanluran ng Zamboanga.

Marami syang naiisip sa mga posibleng mangyari sa kanila pag-landing nila sa dalampasigan. Nakahiga sya sa sahig sa gilid ng rampa at nagbibilang ng mga bituin habang naghihimas ng niyayakap na Garand bilang palipas- oras.

"Umiinit ang aking tenga tuwing pumapasok sa isipan ko ang larawan ng mababangis na kaaway na magraratrat sa amin. Iniisip ko rin paano ko sila barilin at sino sa kanila ang aking uunahin dahil itinuro sa akin na ang pinakaimportanteng targets ang aking atupaging barilin," sabi ni Bobords.

Mga bandang hatinggabi, naramdaman na lang nya na pumipikit na ang kanyang mata sa sobrang antok. Inaantay na lang nya ang mainit na pagsalubong ng mga kaaway pagdaong sa Jolo.

Medyo maliwanag na kinaumagahan nang nabulabog sya sa boses ng kanilang Platoon Sergeant.

"Mga bugoy, gising na!"

Kinakabahan sya. Nakita nya na nakababa na ang rampa ang kanilang barko. Umiinit ang kanyang pisngi kahit malamig ang simoy ng hangin.

Napahawak sya ng mahigpit sa kanyang baril. Inaaninag nya ang lupa sa paligid. Ready na sya na sumampa sa landing craft para mauna nang lumusob kaya nag-chamber load na agad sya ng bala sa kanyang baril.

Ka-tsak! Swabe ang kasa ng kanyang bolt assembly dahil napaliguan nya ito ng langis.

"Hoy, sinong kinakasahan mo?" Boses ng kanyang senior NCO.

Lumapit si Bobords sa isang senior at nagtatanong, "Sargeant, Jolo na ba yang nasa harapan? Lulusob na ba tayo?"

"Hoy, ungas, relax ka lang mag-stop over pa tayo sa Zamboanga!"


(May karugtong)





Sunday, September 08, 2019

Msg Bobords Dela Cerna: Byaheng Jolo (Part 2)



Ang Landing Ship Tank ng Philippine Navy na kaparehas sa sinakyan ng 15th Infantry Battalion papuntang Jolo noong 1974. (Internet photo)



Ang mga mandirigma ng 15th Infantry Battalion

Sa pagkaalaala ni Msg Bobords Dela Cerna, naaayon sa grupo ng region ang pagka-organisa sa kanilang battalion.

Mga Bisayang taga Ormoc at Cebu, napunta sa Alpha Company. Si Bobords ay miyembro ng 1st Platoon ng kumpanyang ito at ang kanyang Platoon Leader ay si 2LT Crucero at ang kanyang Company Commander ay si 1Lt Suarez.

Ang mga Bisayang Waray galing Samar, solid silang lahat napunta sa Bravo Company. Ang mga ‘tikal’ na Ilonggo naman ay napunta sa Charlie Company lahat.

Samantala, sa Headquarters Company ay nagkahalo-halo na ang mga Cebuano, Ilonggo, Waray, at iilang mga Ilokano.

Ini-organisa sila ni Colonel Villalon na merong weapons squad kada kumpanya. Dala-dala ng mga miyembro nito ang Bazooka at M19 Cal 30 Machinegun. Bawat kumpanya ay merong dalawang Advanced Marksman o Sniper na ang ginagamit ay scoped Cal. 30 M1 Garand Rifle.

Ang mga Scout Ranger qualified personnel naman ay naka-distribute sa mga Platoons ng bawat kumpanya dahil sila ang inaasahan na mag-control sa mga baguhang sundalo, lalo na ang mga 2nd Class trainees sa mga misyon. Madali silang makilala dahil authorized silang magsuot ng 'Seven Colors', ang camouflaged uniform ng US Army, na kakaiba sa Olive Drab (fatigue) uniform ng Philippine Army sa mga panahong iyon. 

Dahil iniidolo ni Bobords ang mga Musang, lagi syang dumidikit sa mga ito para makipagkwentuhan at matuto sa kanilang mga kaalaman. Iniidolo nya ang mga batikang mandirigmang Musang na kagaya ni Sgt Banzon at Sgt Bernas. Iisa ang maalala nyang turo ng mga NCOs na Musang:

“Bobords, para sa mga Musang, hindi kami mag-iiwanan. Dapat tayong mga miyembro ng 15th IB ay hindi mag-iiwanan kahit sa bayag na magkaipitan.”

Natutunan din nya sa mga Musang na mahuhusay silang magdala ng tao. Napapakibagayan nila ang lahat na tauhan kahit Bisaya, Ilonggo, o Waray. Dahil kaya ni Bobords na makapagsalita sa lahat ng dialect na iyon, nagagawa nyang makipagbolahan sa kahit anong miyembro ng battalion. 


“Mas madali kong nakakapalagayang loob  ang tropa kung parehas ang aming salita. Mabuti na lang alam ko ang mga salita nila dahil sa mga barkada ko simula noong ako ay elementarya pa lang,” sabi nya.

Ang kanyang kaalaman sa mga dialects ay nagagamit nya para maging mediator sa mga awayan ng iba’t-ibang grupo. Isang araw, inawat nya ang nagsusuntukan na isang Ilonggo at isang Waray. Nabitawan nya ito ang matinding pananalita.

“Bay, kanang atong kaisog, ato kanang ipakita sa mga kontra. Paghulat lang gud mo kay hapit na ta makigyera sa Jolo, tan-awon gyud nato kinsa ning mga tinuod nga banggiitan ug kinsa ning mga talawan!” (Pare, ang ating katapangan ay ipakita natin sa mga kaaway. Antay lang kayo kasi malapit na tayo makikidigma sa Jolo, tingnan talaga natin kung sino ang tunay na mga tigasing matatapang at kung sino ang mga nerbyoso sa labanan!)

Ang mga kalaban sa Jolo

Mainit pa ang mga kwentong ‘Jabidah Massacre’ noong 1968 na kung saan ay pinagbintangan ang Philippine Constabulary trainors ng mga recruits na Moros na syang nagmasaker diumano sa sinasanay na tropa na dapat ay lulusob sa Sabah para bawiin ang teritoryo na inaangkin ng Malaysia pagkatapos na lumayas ang British colonizers.

Dahil sa galit ng mga Moro, nasindihang muli ang poot sa dibdib ng mga Moro na nag-ugat pa sa pang-aabuso ng pwersa ng mga Espanyol kagaya ni Capitan Esteban de Figueroa na nagkanyon sa Jolo noong June 1578. Nanatili ang galit na ito sa mga pwersang mapanakop, lalo na sa mga Kristyano, dahil sa ipinagpatuloy na pagkontrol ng dayuhan simula ng malagdaan ang 1998 Treaty of Paris na kung saan ay nagbigay daan ito para pumalit naman ang pwersa ng mga Amerikano sa Sulu at sa buong Pilipinas.

Kasama ang Bud Dahu Massacre noong 1906 at Bud Bagsak Massacre noong 1913 sa mga pang-aapi ng mga Amerikano sa nagpapaliyab ng poot ng mga Tausug. Dahan-dahang nananahimik ang Sulu dahil sa Benevolent Assimilation na estratehiya ng mga Amerikano.

 Makikita sa larawan ang pangkakanyon ng mga American Forces sa mga Tausug warriors na nagkuta sa Bud Daho, Indananan, Sulu noong 1906. (Internet Photos)

Ang karima-rimarim na sinapit ng mga Tausug na lumaban sa pwersa ng mga Amerikano ang kasama sa poot na nararamdaman ng mga nakikidigma sa naturang lugar hanggang sa kasalukuyang panahon. (Internet Photo)

Subalit, nabuhay muli ang galit sa mga dayuhang pwersa dahil sa dami rin ng pinatay na Tausug ng mga Hapon nang sinakop nila ang Pilipinas at karatig na mga bansa noong 1942 para itatag ang Greater East Asia Co-Prosperity Sphere, na layunin ay pag-isahin ang kultura at ekonomiya ng mga Asiano.

Iilang taon lamang pagkatapos ng kalayaan ng Pilipinas noong 1946, nasindihan muli ang galit at pakikidigma ng mga Tausug nang ginamitan ng malakas na pwersa ng Armed Forces of the Philippines nang nag-alburoto ang grupo ni Maas Kamlon noong 1950s. Marami ang napatay sa bakbakan, samantalang hindi naman nagrerebelde si Kamlon kontra sa pamahalaan, kundi kumapit sa patalim dahil sa nakikitang di parehas ng pag-disarma ng Philippine Constabulary sa mga armadong grupo.

Kaya naman, ang sinaunang kampo ng Bangsamoro Army (na naging kilala bilang MNLF) ni Commander Talib Congo noong 1970s ay pinangalanang Camp Kamlon. Sila ang lumusob sa bayan ng Jolo noong February 1974.

Ito ang naging hudyat para magpadala ng pwersa ang AFP sa Jolo, kasama ang 14th Infantry Battalion at 15th Infantry Battalion na kinabibilangan ni Second Class Trainee Eugenio ‘Bobords’ Dela Cerna.

Kagaya sa mga pwersa na ipinadala para labanan ang mga Tausug noong 1578 (Spanish), 1900s (Americans), 1942-1945 (Japanese), 1950s (AFP), sa narrative ng mga rebelde o kaya sa mga bandido o terorista, ang mga deployed troops ay ‘pwersang mapanakop’ o ‘pwersa ng mga Kristyano’, lalo na at gumamit din ng Christianized indios mula sa Visayas ang mga Espanyol sa pang-aatake nila sa Sulu Sultanate sa mga panahon na iyon. 

Makakaharap nina Bobords Dela Cerna at mga Bisayang tropa ng 15th Infantry Battalion, ang mga salin-lahi ng mga mandirigma na lumaban sa mga dayuhang pwersa simula pa noong 1600s.

Byaheng Jolo

Katatapos pa lang mag-agahan ang mga tropa ng 15th Infantry Battalion nang sila ay ipinatawag ng kanilang Battalion Commander para sa kanilang final briefing bago ang kanilang jump-off papunta sa Landing Ship Tank (LST), ang barko na  syang magkarga sa kanila papunta sa Jolo, Sulu para sa isakatuparan ang kanilang misyon.

Mataas ang gupit at maliliit ang tiyan dahil sa mahihirap ng physical training kagaya ng Molave Warfare Training, ang mga Second Class Trainees kagaya ni Bobords Dela Cerna, ay naka-distribute sa mga line companies ang infantry platoons.

Hindi nya maisalarawan ang naramdaman nang marinig na tuloy-na tuloy na ang deployment nila doon. Pagkakataon na nila yon para maipakita sa mga kasamahan na ganap na silang sundalo.

“Parang naiihi, natatae pinapawisan, nilalamig, umiinit ang tenga namin sa formation area. Pero, maliwanag para sa akin na pakitaan na ito ng katapangan,” sabi ni Bobords, na gustong ipamalas sa mga Musang ng 15th IB na meron din syang angking katapangan.

Sa nagdaang gabi, di sya gaano nakatulog dahil nagkandandarapa sya at mga kapwa 2nd Class Trainees sa mga preparasyon.

Para sa sariling paghahanda, isinasaulo nya muli ang itinuro ng lolo nya na dasal. Inusisa nya ang combat pack na naglalaman sa kanyang mission-essential equipment: Bala, bala, bala. Nagsiksik sya ng halos 500 na bala ng Cal 30 para sa kanyang M1 Garand.

“Wala na akong dinalang pagkain kundi mess kit lang at canteen na pinuno ko ng tubig. Panay bala at konting mga damit lang nilagay ko sa aking pack. Kahit isang lingo akong makipagbarilan, pwede!”

Sinaulo at inilagay nya sa imahinasyon ang naisalarawan ng kanyang Platoon Leader sa kanilang OPORD briefing.

“Halos isang libong kalaban ang makakaharap natin. Okupado nila halos lahat ng kabahayan lalo ang mga sementadong pwesto. Ang misyon natin ay bawiin ang Jolo, iligtas ang mga mamamayan, at ipabalik normal ang pamumuhay ng mga tao doon sa lugar. Magdasal kayo, merong iba sa atin ay posibleng tuwid na ang paa na makauwi. Ingatan ang sarili. Ingatan ang kasamahan.”

Sinalansan nya sa kanyang higaan ang lahat ng mga gamit pakikidigma, pati ang kanyang steel helmet bago sya naglinis muli ng kanyang baril. Sinigurado nya ng nalagyan ito ng lubricants at nahigpitan ang lahat ng turnilyo ng kanyang scope.

“Wala akong pinalampas sa inspection ng gamit. Dapat mananagumpay kami para buhay kaming uuwi,” sabi nya.

                                        
Ang kaparehas na Scoped M1 Garand Rifle na ginamit ni Bobords Dela Cerna sa pakikidigma sa Sulu noong 1974. (Internet Photo)


Di nya alam alin pa ang pwedeng paalaman. Wala naman siyang girlfriend. Napagsabihan na nya ang kanyang tatay at mga kapatid. Nakapagmano na sya sa kanyang lolo. Nag-isip isip pa rin sya.  Patay na kung patay.

“Gentlemen, form!”

Boses ng First Sergeant.

“Form na kayo at pag accounted na lahat, sakay na sa trak. Byahe na tayong Jolo!”

Bog. Bog. Bog. Lumalakas ang pintig ng puso nya na tila gustong umalpas sa dibdib nya. Mainit ang kanyang mukha sa kanyang pakiramdam. Tumaas ang kanyang adrenaline. Atat na sya na makipagbarilan sa mga kalaban. 

Tinapik nya ang classmate na si 2nd Class Trainee Hontiveros.

“Wala tayong iwanan bay!”


(Merong karugtong)