Pumunta sa nilalaman

Zoroastrianismo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Zoroastrianism)

Ang Zoroastrianismo (English: Zoroastrianism) na tinatawag ring Mazdaismo at Magianismo ay isang relihiyong batay sa mga katuruan ng propetang si Zoroaster na kilala rin bilang Zarathustra sa Avestan. Ito ay dating isa sa pinakamalaking mga relihiyon. Ito ay malamang na itinatag noong mga panahong bago ang ika-6 siglo BCE sa silanganing bahagi ng Dakilang Iran. Sa Zoroastrianismo, ang manlilikhang si Ahura Mazda ay buong mabuti at walang kasamaan na nagmumula sa kanya. Kaya sa Zoroastrianismo, ang kabutihan at kasamaan ay may dalawang mga pinagmumulan na ang masama (druj) ay sumusubok na wasakin ang nilikha ni Mazda (asha) at ang mabuti ay sumusubok na panatilihin ito. Bagaman si Ahura Mazda ay hindi imanente sa daigdig, ang kanyang nilikha ay kinakatawan ng mga Amesha Spenta at malaking bilang ng ibang mga Yazata na sa pamamagitan ng mga ito ay ang mga gawa ng diyos ay ebidente sa sangkatauhan at sa pamamagitan ng mga ito ay ang pagsamba kay Maza ay dinirekta. Ang pinakamahalagang mga teksto ng relihiyong ito ang Avesta na ang malaking bahagi ay nawala at ang karamihan ay mga liturhiya lamang ang umiiral. Ang mga nawalang bahagi nito ay tanging malalaman sa mga sanggunian at maikling mga sipi sa mga kalaunang akda mula ikasiyam at ikalabing isang siglo. Sa ilang anyo, ito ay nagsisilbi bilang relihiyong pambansa o pang-estado ng malaking bahagi ng mga taong Irani sa loob ng maraming mga siglo. Ang relihiyong ito ay naging kaunti nang ang Imperyong Achaemenid ay sinakop ni Alexander the Great at pagkatapos ay gumuho at nagkahati hati. Ito ay kalaunang unti unting itinuring na mababa ng Islam mula ikapitong siglo CE at patuloy sa pagbagsak ng imperyong Sassanid. Ang kapangyarihang pampolitika ng pre-Islamikong mga dinastiyang Irani ay nagbigay sa Zoroastrianismo ng malaking prestihiyo sa mga sinaunang panahon at ang ilang mga nangungunang doktrina nito ay tinanggap sa ibang mga sistemang relihiyoso. Tinatayang may mga 124,000 at 190,000 na mga Zoroastriano sa buong mundo.[1]

Mga paniniwala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga Zoroastriano ay naniniwala na may isang pangkalahatan at transendenteng diyos na si Ahura Mazda. Siya ang isang hindi nalikhang manlilikha na ang lahat ng pagsamba ay huling pinatutungkulan. Ang nilikha ni Ahura Mazda na ebidente bilang asha, katotohanan at kaayusan ang pagsalungat sa kaguluhan na ebidente bilang druj, kasinungalingan at kawalang kaayusan. Ang nagreresultang alitan ay kinasasangkutan ng buong uniberso kabilang ang sangkatauhan na may aktibong papel na ginagampanan sa alitan. Ang Zoroastrianismo ay nagsasaad na ang aktibong partisipasyon sa buhay sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa ay kailangan upang masiguro ang kaligayahan at maiwasan ang kaguluhan. Ang aktibong partisipasyon ay isang sentral na elemento sa konsepto ni Zoroaster ng malayang kalooban at itinatakwil ng Zoroastrianismo ang lahat ng mga anyo ng monastisismo. Si Ahura Mazda ay huling mananaig sa masamang Angra Mainyu o Ahriman na sa puntong ito ang uniberso ay sasailalim sa isang pagpapanumbalik na kosmiko at ang panahon ay magwawakas. Sa huling pagpapanumbalik, ang lahat ng mga nilikha kahit ang mga kaluluwa ng mga namatay na sa simula ay pinatapon sa kadiliman ay muling magiging isa kay Ahura Mazda na babalik sa buhay sa anyong hindi namatay. Sa tradisyong Zoroastrian, ang kaguluhan ay kinakatawan ni Angra Mainyu ( "Ahriman"), ang "Prinsipyong Nakakawasak" samantalang ang mabuti ay kinakatawan ng Spenta Mainyu ni Ahura Mazda na instrumento ng "Prinsipyong Mapagbigay" ng akto ng paglikha. Sa pamamagitan ng Spenta Mainyu na ang transendental na si Ahura Maza ay likas sa sangkatauhan at sa pamamagitan nito na ang Manliliha ay nakikipag-ugnayan sa daigdig. Ayon sa kosmolohiyang Zoroastrian, sa paghahayag ng pormulang Ahuna Vairya, ginawa ni Ahura Mazda ang kanyang huling pagtatagumpay na ebidente kay Angra Mainyu. Bilang mga paghahayag at mga aspeto ng paglikha, si Ahura Mazda ay naglabas ng mga Amesha Spenta na ang bawat isa ay hypostasis at kinatawan ng isang aspeto ng paglikhang ito. Ang mga Amesha Spentang ito ay tinutulungan naman ng ligar ng mas mababang mga prinsipyo na mga Yazata na ang bawat isa ay "Karapat dapat sa Pagsamba" at ang bawat isa ay muling hypostasis ng moral o pisikal na aspeto ng paglikha. Sa wakas ng panahon, ang isang tagapagligtas na Saoshyant ay magdadala ng huling pagpapanumbalik sa daigdig (frasho.kereti) kung saan ang mga namatay ay muling bubuhayin. Ang Saoshyant ay kinikilala na anak na lalake ni Vîspa.taurwairî at magmumula sa Ilog na Kansaoya/Kansava at magdadala ng parehong sandata na Verethragna na ginamit rin ng mga epikong bayani at hari na Irani sa nakaraan upang labanan ang iba't ibang mga kalaban na demoniko. Ang Haurvatat, Ameretat at iba pang mga katulad na entidad ang kanyang magiging kasama at kanilang tatalunin ang mga nilikha ni Angra Mainyu. Ang matuwid ay makikilahok sa parahaoma na magkakaloob sa kanila ng walang hanggang buhay. Pagkatapos, ang sangkatauhan ay magiging tulad ng mga Amesha Spenta na nabubuhay na walang pagkain, walang kagutuman o pagkauhaw at walang mga sandata. Ang lahat ay makikisalo sa isang layunin na sasali sa diyos para sa isang walang hanggang pagdakila sa kaluwalhatian ng diyos.

Mga doktrina tungkol sa kamatayan at kaluluwa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa tradisyong Zoroastriano, pagkatapos mamatay ng katawan, ang kaluluwa ay nananatili sa mundong ito ng tatlong araw at tatlong gabi sa pag-aalaga ng Sraosha na isa sa mga Yazata o anghel. Sa panahong ito, ang mga panalangin ay sinasabi at ang mga ritwal ay isinasagawa upang masiguro ang isang ligtas na pagtungo ng kaluluwa sa sakop na espiritwal. Sa bukangliwayway ng ikaapat na araw ng kamatayan, ang espirito ay pinaniniwalaang tumawid sa kabilang daigdig kung saan ay dumadating ito sa alegorikal na Tulay na Chinvat. Sa tulay na Chinvat, ang kaluluwa ay nagtatagpo sa isang dalaga na kinatawan ng lahat ng mga mabubuting gawa at isipan ng nakaraang buhay. Kung ang kaluluwa ay nabuhay ng matuwid, ang dalaga ay lilitaw sa isang magandang anyo. Kung hindi ay isang pangit na bruha. Ang larawang ito ay kumokompronta sa kaluluwa at kinikilala ng kaluluwa na ang larawan ang kinatawan ng mga sarili nitong aksiyon at kaya ay humahatol sa sarili nito na alam kung ito ay karapat dapat na tumawid sa tulay sa kabilang buhay o bumalik sa daigdig upang matuto ng mga karagdagang aral. Sa isang salaysay, pagkatapos matagpo ng kaluluwa ang sarili nitong larawan, ito ay humaharap sa isang makalangit ng tribunal kung saan ang hustisya ng diyos ay nilalapat. Ang mga mabubuting kaluluwa ay tumutungo sa langit na tinatawag na Vahishta Ahu at ang mga masasamang kaluluwa ay ipinapada sa impyerno na tinatawag na Achista Ahu.[2]

Mga doktrinang milenyal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang alitan sa pagitan ng magkasalungat na mga kaharian ng liwanag at kadiliman ay bumubuo ng kasaysayan ng daigdig na tumatagal ng 12,000 taon at nahahati sa apat dakilang eon.[3] Ang unang 3,000 taon ang panahon ng pag-iral na espiritwal. Alam ni Ahura Mazda ang kapwa pag-iral ni Ahriman at si Ahura ay lumikha muna ng daigdig sa isang estadong espiritwal bago ito bigyan ng anyong materyal na ang mga fravashi ang mga modelo ng mga hinaharap na uri ng mga bagay. Si Ahriman ay ignorante sa pag-iral ng kanyang katunggaling si Ahura ngunit sa pagkakatuklas ay kanyang kontra-lumikha ng mga hosto ng mga demonyo at mga kaibigan. Sa ikalawang 3,000 taon, habang nilito nina Ahriman at mga hosto nito si Ahura, si Ahura ay lumikha ng daigdig sa materyal na anyo at pagkatapos ay sinakop ito ni Ahrmina. Ang ikatlong 3,000 taon ang panahon ng alitan sa pagitan ng mga magkakatunggaling kapangyarihan at pakikibaka para sa kaluluwa ng tao hanggang sa dumating si Zoroaster sa daigdig. Ang kanyang kapanganakan ay naglunsad ng isang bagong panahon at ang ikaapat at huling 3,000 taon ay nagsimula. Ang mga huling panahong milenyal na ito ay pinangangasiwaan mismo ni Zoroaster at ang kanyang tatlong mga anak pagkatapos ng kanyang kamatayan na ipapanganak sa hinaharap sa kanais nais na paraan na ang huli ay ang mesiyas na tinatawag na Saoshyant ("Tagapagligtas", "Benepaktor"). Ang layunin ng pagdating ni Zoroaster sa daigdig at ang layunin ng kanyang mga katuruan ay ang paggabay sa tao na pumili ng tama na dalhin ito sa daan ng katwiran upang makamit ang huling kasakdalan. Ang kasakdalan na ito ay darating sa pagtatatag ng Mabuting Kaharian (Avesta, "Vohu Khshathra"), ang pinapangarap na Kahrian (Avesta, "Khshathra Vairya"), o ang Kaharian ng Pagnanais. (Avesta, "Khshathra Ishtōish"). Kapag nangyari na ito, ang daigdig ay muling babaguhin (Avesta, "Ahūm Frashem Kar"; o "Frashōkereti"). Ang isang huling laban sa pagitan ng mga kapangyarihan ng mabuti at masama ay mangyayari. Si Ahriman at ang kanyang mga hosto ay matatalo at ang kabutihan ay maghaharing suprema. ("Yasht," xix. 89-93; Bundahis, xxx. 1–33). Ang pagdating ng Mesiyas (Saoshyant) ay sasamahan ng muling pagkabuhay o resureksiyon ng mga namatay at ang pangkalahatang paghatol sa daigdig na malaya mula sa masama at panganib.

Ang Zoroastrianismo ay itinatag ng Propetang si Zoroaster (o Zarathustra) sa sinaunang Iran.[4] Ang eksaktong petsa ng pagkakatatag nito ni Zoroaster ay hindi matiyak. Ang mga klasikong manunulat gaya ni Plutarch ay nagmungkahi ng petsa bago ang 6000 BCE.[5] Ang mga petsang minungkahi sa iba't ibang mga panitikang pang-skolar ay magkakaiba sa pagitan ng 1800 BCE at 600 BCE.[6] Ang wikang Lumang Avestan ng mga gathas na pinaniniwalaang mismong isinulat ni Zoroaster ay napakalapit sa Sanskrit ng rigveda na nagmumungkahi ng petsa na tinatayang mula 1400 BCE. Si Zoroaster ay ipinanganak sa Bactria at ikatlo sa limang magkakapatid na lalake. Siya ay naging saserdote at tila nagpakita ng isang kahanga hangang pag-aalaga sa mga tao at baka. Ang buhay ni Zoroaster ay nabago nang siya ay pagkalooban ng diyos na si Ahura Mazda ng isang pangitain. Ang isang espiritong nagngangalang "Mabuting Isipan" ay nagpakita sa kanya at inutusan siyang salungatin ang mga handog na madugo ng mga tradisyonal na kulto ng Irani at tumulong sa mga mahihirap. Si Zoroaster ay nagsimulang mangaral na may isang supremang diyos na "marunong na panginoon" na si Ahura Mazda na lumikha ng daigdig, sangkatauhan at lahat ng mga mabubuting bagay dito sa pamamagitan ng banal na espiritong si Spenta Mainyu. Ang natitira ng uniberso ay nilikha ng iba pang mga anim na espirito na Amesha Spenta (mga banal na imortal). Gayunpaman, ang kaayusan ng makapitong nilikhang ito ay nababantaan ng "Ang Kasinungalingan". Ang mga espiritong mabuti at masama ay naglalaban laban at ang sangkatuhan ay kailangang sumuporta sa mga mabuting espirito upang mapabilis ang hindi maasahang tagumpay ng kabutihan. Ang kahanga hangang aspeto ng katuruan ni Zarathusta ang kanyang paggamit ng mga espesyal na salita upang ilarawan ang mga demonyo. Ang mga pangalan nito ay kahanga hangang katulad ng mga salita mula sa rigveda ng India. Itinuro ni Zoroaster na katungkulan ng isang mananampalataya na pumanig kay Ahura Mazda na posible sa pamamagitang pag-iwas sa mga kasinungalingan, pagtulong sa mahihirap, ilang mga uri ng handog, ang kulto ng apoy at iba pa. Binalaan ni Zoroaster ang mga tao na may Huling Paghuhukom kung saan ang mga kaibigan ng "Ang Kasinungalingan" ay hahatulan sa impyerno at ang mga banal ay papasok sa langit. Ang bagong katuruang ito ay nagsanhi ng alitan sa pagitan ni Zoroaster at mga saserdote ng diyos na si Mithra. Tila nagkaroon ng ilang mga labanan at si Zoroaster ay napilitang lumisan sa kanyang bansa. Kahit ang kanyang pamilya ay hindi tumulong sa kanya. Ayon sa tradisyon, nang dumating si Zoroaster sa korte ni Vishtaspa, siya ay nakatagpo ng pagsalungat mula sa mga kayag at karab na kanyang sinalungat sa isang dakilang asemblea. Si Zoroaster ay nagtagumpay sa mga ito pagkatapos ng tatlong araw ng pakikipagdebate. Siya ay siniraang puri ng kanyang mga kaaway kay Vishtaspa na nagpakulong naman sa kanya. Sa kulungan, pinagaling ni Zoroaster ang isa sa paboritong kabayo ni Vishtaspa na naparalisa at si Vishtapa at ang kanyang korte ay naakay sa mga katuruan ni Zoroaster. Ang mga katuruan ni Zoroaster ay malakas na dualistiko at ang mananampalataya ay may pagpipilian sa pagitang ng mabuti at masama. Ang Zoroastrianismo ang isa sa mga unang relihiyon ng daigdig na nag-aatas ng etika sa mga mananampalataya nito.

Relihiyong Proto-Indo-Irani

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga Relihiyong Proto-Indo-Irani ang pinakamalamang na pinagmulan ng lahat ng mga monoteistikong relihiyon ngayon. Ang relihiyong Proto-Indo-Irani ay pinaniniwalang nakaimpluwensiya sa Zoroastrianismo at relihiyong Vediko. Ang parehong Zoroastrianismo at relihiyong Vediko ay nagsasalo ng mga elemento. Ang Zoroastrianismo ay nakaimpluwensiya naman sa Hudaismo at kalaunan ay sa Kristiyanismo at Islam. Ang relihiyong Vediko ay nakaimpluwensiya, naghugis at nagebolb sa Hinduismo na kalaunang tumungo sa Budismo.

Pagsasanay ng Zoroastrianismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Inskripsiyong Behistun

Ayon kay Herodotus, ang Mago (o Magi) ang ikaanim na tribo ng mga Medes na lumilitaw na kasteng pang-saserdote ng naimpluwensiyahan ng Mesopotamia na sangay ng Zoroastrianismo na kilala ngayon bilang Zurvanismo at nagkaroon ng malaking impluwensiya sa mga korte ng mga emperador na Median. Ang Avestan na 'magâunô', i.e. kasteng relihiyoso ng mga Medes kung saan ipinanganak si Zoroaster ang tila pinagmulan ng "Magi" (Mago). Pagkatapos ng pagkakaisa ng Imperyong Medes at Imperyong Persian noong 550 BCE, binawasan ni Cyrus na Dakila at kalaunan ng kanyang anak na si Cambyses II ang mga kapangyarihan ng Mago pagkatapos ng mga itong tangkaing maghasik ng di pagkakasunduan kasunod ng pagkawala ng kanilang impluwensiya. Noong 522 BCE, ang Mago ay naghimagsik at naglagay ng isang katunggaling nag-aangkin sa trono. Ang mang-aagaw ng trono na nagpanggap na mas batang anak ni Cyrus na si Smerdis ay sandaling sumunggab sa kapangyarihan. Dahil sa malupit na pamumuno ni Cambyses at ng kanyang matagal na kawalan sa Ehipto, ang buong mga tao, mga Persian, mga Medes at ibang mga bansa ay kumilala sa mang-aagaw ng kapangyarihan lalo na ay dahil ito ay nagkaloob ng pagpapatawad ng mga buwis sa loob ng tatlong taon. Ayon sa Inskripsiyong Behistun, ang pseudo-Smerdis ay namuno sa loob ng pitong buwan bago patalsikin ni Darius I noong 521 BCE. Ang Mago bagaman inusig ay nagpatuloy na umiral. Pagkatapos ng isang taon ng kamatayan ng pseudo-Smerdis, ang ikalawang pseudo-Smerdis ay nagtangka ng isang kudeta. Ito ay nabigo, bagaman ito ay matagumpay sa simula. Kung si Cyrus II ay isang Zoroastriano ay paksa ng debate. Gayunpaman, ito ay nakaimpluwensiya sa kanya na ang Zoroastrianimo ang naging hindi inaatas na relihiyon ng kanyang imperyo at ang mga paniniwala ng Zoroastrianismo ay kalunang pumayag kay Cyrus na pabalikin ang mga Hudyo sa Judea nang sakupin nito ang imperyong Babilonian. Si Darius I ay isang deboto ni Ahura Mazda gaya ng pinatutunayan sa mga inskripsiyong Behistun.[7] Gayunpaman, kung siya ay tagasunod ni Zoroaster ay hindi konklusibong napapatunayan dahil ang debosyon kay Ahura Mazda sa panahong ito ay hindi nangangailangang indikasyon ng pagsunod sa mga katuruan ni Zoroaster. Si Darius I at ang mga kalaunang emperador na Achaemenid bagaman mga deboto ni Ahura Mazda ay pumayag na ang mga relihiyon ay kapwa umiral. Sa panahon ng imperyong Achaemenid nang ang Zoroastrianismo ay nagkamit ng momentum. Bago ang paghahari ni Artaxerxes II (405–04 BCE hanggang 359–58 BCE), si Ahura Mazda lamang ang sinasamba at tinatawag. Sa paghahari ni Artaxerxes II, si Ahura Mazda ay tinatawag sa isang triad (trinidad) kasama nina Mithra at Apam Napat. Ayon sa kasulatang Zoroastriano: "Purihin kay Ahura Mazda, makatatlo sa harap ng ibang mga nilalang". Ang isang bilang ng mga tekstong Zoroastriano na bahagi ngayon ng mas malaking compendium ng Avesta ay itinuro sa panahong ito.

Zoroastrianismo sa kasalukuyang panahon

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Zoroastriano na Atash Behram ng Yazd, Iran.
Ang mga turista at pagsusunog ng apoy sa templong Zoroastriano sa Yazd, Iran

Ang Zoroastrianismo ang isa sa pinakamatandang relihiyong monoteistiko sa kasaysayan. Ang Zoroastrianismo ang itinuturing ng marami na ang pinakamatandang relihiyong monoteistiko.[8] Ang kasalukuyang mga bilang ng mga Zoroastriano ngayon ay tinatayang mula mga 125,000 hanggang sa higit sa 300,000.

Bansa Populasyon[9] Bahagdan ng populasyon
India India 69,000 0.006
Iran Iran 20,000 0.026
Estados Unidos Estados Unidos 11,000 0.004
Afghanistan Afghanistan 10,000 0.031
United Kingdom United Kingdom 4,105 [10] 0.007
Canada Canada 5,000 0.014
Pakistan Pakistan 3,000 0.002
Singapore Singapore 4,500 0.087
Azerbaijan Azerbaijan 2,000 0.022
Australia Australia 2,700 0.012
Mga bansang Golpong Persiko (Persian Gulf) 2,200 0.005
New Zealand New Zealand 2,000 0.045
Kabuuan 137,400 -

Impluwensiya sa Hudaismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang karamihan ng mga skolar ay naninwala na ang Hudaismo ay malakas na naimpluwensiyahan ng Zoroastriansmo sa maraming mga teolohiya o doktrina nito.[3][11] Dahil dito, ang Zoroastrianismo ay kalaunan ring nakaimpluwensiya sa mga relihiyong Kristiyanismo at Islam na parehong malakas na naimpluwensiyahan ng Hudaismo. Nang talunin ng imperyong Persian ang Babilonia, ang Israel ay sumailalim sa pamumuno ng imperyong Persian at pinayagan na makabalik ng Persia ang mga Israelita sa Judea. Ang modernong analysis na literaryo ng Tanakh ay nagmumungkahi na sa panahong ito nang binago ang pinagkunan na pambibig at isinulat upang ipaliwanag ang pagkakatapon ng mga Israelita bilang parusa ng diyos dahil sa pagsamba sa ibang mga diyos.[12] Iminungkahi na ang striktong monoteismo ay umunlad sa pagkakatapong ito ng mga Israelita sa Babilonia at marahil ay bilang reaksiyon sa dualismo o quasi-monoteismo ng Zoroastrianismo ng mga Persian.[11][13][14] Ang mga skolar ay naniniwala na ang Hudaismo ay naimpluwensiyahan ng relihiyong Zoroastrianismo[14] ng Persia sa mga pananaw ng anghel, demonyo, malamang ay sa doktrina ng muling pagkabuhay gayundin sa mga ideyang eskatolohikal at sa ideya ng mesiyas o tagapagligtas ng mesiyanismong Zoroastriano. Inilarawan ni Zarathushtra sa kanyang Gathas ang isang saoshyant (tagapagligtas) na benepaktor ng mga tao.[11] Maraming mga pagkakatulad sa pagitan ng Zoroastrianismo at Hudaismo.[3] Si Ahuramazda na supremang Panginoon ng Iran ay isang omnisiyente, omnipresente at walang hanggan na may kapangyarihang paglikha na kanyang sinasanay lalo na sa pamamagitan ng midyum ng kanyang Spenta Mainyu ("Banal na Espirito") at namamahala sa uniberso sa pamamagitan ng instrumentalidad ng mga anghel at arkanghel. Gayunpaman, ang kapangyarihan ni Ahura Mazda napipigilan ng kanyang kaaway na si Ahriman na ang pamumuno gaya ni Satanas sa Bibliya ay wawasakin sa wakas ng daigdig. Ang parehong Zoroastrianismo at Hudaismo ay mga "hinayag na relihiyon". Sa Zoroastrianismo ay inihayag ni Ahura Mazda kay Zarathrusta ang kanyang mga utos sa "Ang Bundok ng Dalawang mga Nagkokomunyon". Sa Hudaismo, inihayag ni Yahweh kay Moises ang kanyang mga utos sa Bundok Sinai. Ang mga batas mago ng puripikasyon na nag-aalis ng polusyon na nakuha sa patay o maduming bagay ay matatagpuan sa Aklat ng Levitico. Ang anim na araw ng paglikha ayon sa Genesis ay tumutugma sa anim na mga panahon ng paglikha sa mga kasulatang Zoroastriano. Ang kasulatan ng Zoroastrianismo ay nagsasaad na ang sangkatauhan ay nagmula sa isang pares ng tao na sina Mashya at Mashyana samantalang sa Bibliya ay sina Adan at Eba. Sa Bibliya, winasak ng isang malaking baha ang lahat ng tao maliban sa isang matuwid na tao at kanyang pamilya. Sa Zoroastrianismo, ang isang taglamig (winter) ay nagubos ng populasyon ng daigdig maliban sa Vara (nakasarang lalagyan) ng mapalad na taong si Yima. Ang tatlong mga anak ng kahalili ni Yima na sina Erij (Avesta, "Airya"), Selm (Avesta, "Sairima"), at Tur (Avesta, "Tura") ang mga tagapagmana ng daigdig. Sa Bibliya ay matatagpuan ang tatlong anak ni Noe na sina Shem, Ham at Japheth.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Goodstein, Laurie (6 Setyembre 2006). "Zoroastrians Keep the Faith, and Keep Dwindling - NYTimes.com". The New York Times. New York: NYTC. ISSN 0362-4331. Nakuha noong 17 Setyembre 2012.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. https://www.theosophical.org/publications/quest-magazine/1231[patay na link]
  3. 3.0 3.1 3.2 https://www.jewishencyclopedia.com/articles/15283-zoroastrianism
  4. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-11-26. Nakuha noong 2012-11-24.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Nigosian, Solomon (1993). The Zoroastrian faith: tradition and modern research. McGill-Queen's University Press. p. 15. ISBN 978-0-7735-1144-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Controversy over Zaraϑuštra's date has been an embarrassment of long standing to Zoroastrian studies. If anything approaching a consensus exists, it is that he lived no later than 1000 BC, give or take a century or so, though reputable scholars have proposed dates as widely apart as 1750 BCE and '258 years before Alexander.'" (Encyclopedia Iranica)
  7. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-10-29. Nakuha noong 2012-11-24.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-01-01. Nakuha noong 2012-12-22.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. https://www.nytimes.com/2006/09/06/us/06faith.html?pagewanted=1&_r=1
  10. https://www.guardian.co.uk/uk/datablog/interactive/2012/dec/11/census-religion
  11. 11.0 11.1 11.2 "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-10-15. Nakuha noong 2012-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. https://books.google.co.uk/books?id=stl97FdyRswC&pg=PA340&lpg=PA340&dq=Jewish+exile+babylon+monotheism&source=bl&ots=uZToFxhsA4&sig=LGU6a1UF7FPDv9zO_N4woINnT7M&hl=en&sa=X&ei=bFw-UIzoL4eHswaF34DIAQ&ved=0CEoQ6AEwBA#v=onepage&q=Jewish%20exile%20babylon%20monotheism&f=false
  13. Ephraim Urbach The Sages
  14. 14.0 14.1 https://www.jewishencyclopedia.com/view.jsp?artid=147&letter=Z