Sweet Home
Ang Sweet Home (Koreano: 스위트홈; Filipino: Matamis na Tahanan) ay isang Timog Koreanong webtun na inakda nila Kim Carnby (kwento) at Hwang Young-chan (guhit). Una itong inilathala sa Naver Webtoon noong Oktobre 12, 2017 at nagtapos na mayrong 141 mga kabanata noong Hulyo 2, 2020.
Ikinukuwento ng Sweet Home ang tungkol sa isang binatang nais magpatiwakal ngunit natagpuan ang sarili sa gitna ng isang tila di-maipaliwanag na penomena ng "monsterization", kung saan ang mga tao ay nagbabagong-anyo at nagiging halimaw batay sa kani-kanilang lunggati o niloloob na hangarin.
Naging tanyag ang Sweet Home mula nang nailathala ito; noong Enero 2021, umabot nang 2.4 milyon at 15.2 milyon ang bilang ng mga tagasubaybay at likes ng opisyal na salin nito sa Ingles. Noong Pebrero 28, 2020, inilathala ng Wisdom House ang bersiyon ng Sweet Home na nailimbag bilang isang komiks. Noong Disyembre 18, 2020, isinapubliko ng Netflix ang isang teleseryeng nakabatay sa kwento ng Sweet Home.
Noong Pebrero 22, 2021, nilathala ng Naver Webtoon ang prikwel ni Kim Carnby para sa Sweet Home: ito ay pinamagatang Shotgun Boy (엽총소년) na iginuhit naman ni Hongpil.
Buod
Makaraang pumanaw ang kanyang mga kamag-anak sa isang aksidente sa lansangan, iniwan ng 18 taong gulang na binatang si Cha Hyun-soo ang tahanan nila at nagsimulang manirahan sa inuupahan niyang Room 1410 sa isang apartment na kung tawagin ay Green Home. Nais niyang magpatiwakal na, ngunit hindi magtatagal at nagsimulang kumalat ang isang penomenang binansagang "monsterization" (goemulhwa), kung saan ang mga tao ay nagbabagong-anyo at nagiging halimaw batay sa kani-kanilang lunggati o niloloob na hangarin. Sa gitna ng kapahamakang ito, sinisikap ni Hyun-soo at ng mga kapwa niyang nangungupahan sa Green Home na hindi mapaslang ng mga halimaw at mabuhay sa isang mundong ang bawat isa ay magkatunggali para sa kani-kanilang kaligtasan.
Mga tauhan
Mga pangunahing tauhan
- Cha Hyun-soo
- ang pangunahing tauhan ng Sweet Home; isang 18 gulang na binatang nakatira sa Room 1410 ng Green Home. Bagaman ninais niyang magpatiwakal, nanibago ang isipan ni Hyun-soo simula nang mangyari ang monsterization, kung saan ninanais na niyang mabuhay at mailigtas ang sarili kasama ang mga kapwa nangungupahan. Siya ay naging isang kalahating-halimaw (half-monster) at nagkaroon ng mga lakas at kapangyarihang ginagamit niya sa pagkikipagaban sa mga halimaw.
- Yoon Ji-soo
- isang 20 taong gulang na gitarista at kompositor na nakatira sa Room 1510 ng Green Home. Dala-dala ang isang baseball bat bilang sandata, si Ji-soo ay isa sa mga kasama ni Hyun-soo sa pakikipaglaban sa mga halimaw.
- Pyeon Sang-wook
- isang 32 taong gulang na dating pulis na nangungupahan sa Green Home. Si Sang-wook ay kabilang din sa mga kasama ni Hyun-soo sa pakikipaglaban sa mga halimaw.
- Lee Eun-hyuk
- isang 18 taong gulang na binatang nangungupahan sa Green Home; nakatatandang kapatid ni Eun-yoo. Si Eun-hyuk ang pinuno ng lahat ng mga buhay pang nangungupahan sa Green Home.
Ibang mga tauhan
Mga nangungupahan sa Green Home
- Han Du-shik – isang mamang may kapansanan ngunit isang bihasang manggagawa na tumulong sa pagpapatibay ng mga sandata nina Hyun-soo.
- Jung Jae-heon – isang guro sa Wikang Koreano at relihiyosong Kristiyano na may sandatang espada.
- Lee Eun-yoo – nakababatang kapatid na babae ni Eun-hyuk.
- Ahn Gil-seop – isang matapang na matandang may dala-dalang mga Molotov cocktails (mga boteng pampasabog).
- Park Yoo-ri – tagapangalaga ni Gil-seop na may sandatang balyesta
- Kim Soo-young – isang 9 na taong gulang na batang babae na nakatatandang kapatid ni Young-soo.
- Kim Young-soo – isang 6 na taong gulang na batang lalaki na nakababatang kapatid ni Soo-young.
- Im Myung-sook – isang babaeng may dala-dalang stroller na wala namang laman na sanggol.
- Byung-il – lalaking tumakas at bumalik na may kasamang mga hindi taga-Green Home.
- Ahn Seon-young – isang babaeng binubugbog ng kanyang asawang si Seok-hyun.
- Kim Seok-hyun – isang lalaking nambubugbog sa asawang si Seon-young.
- Son Hye-in – isang babaeng matatakutin at padalos-dalos sa pag-iisip.
- Ang security guard – empleyadong hindi trinatrato nang mabuti ng ilang nangungupahan sa Green Home.
- Ang babaeng nakatira sa Room 1411 – ang kapitbahay ni Hyun-soo at ang unang taong nakita ni Hyun-soo na nagbagong-anyo bilang isang halimaw.
- Ryu Jae-hwan – isang lalaking nais maging artista.
- Sang-soo
- Ji-eun
Mga hindi naninirahan sa Green Home
- Shin Joong-seop – isang kriminal na may masidhing nais na makapaslang ng mga halimaw; lider ng mga taong dumating sa Green Home (na dinala ni Byung-il).
- Im Hyun-shik – isang manggagantso.
- Jo Yi-hyun – isang kalahating-halimaw.
- Seo Kap-soo – isang manggagahasa.
- Baek Ho-yeon – isang gangster.
Mga tanyag na halimaw (Goemul)
- Heuphyeol goemul (halimaw na may mahabang dila at sumisipsip ng dugo)
- Jangnim goemul (halimaw na bulag at nahati ang ulo nang pahalang)
- Nunal goemul (halimaw na animo'y higanteng eyeball)
- Geunyuk goemul (maskuladong halimaw)
- Aekche goemul (likidong halimaw)
- Choksu goemul (halimaw na may mga galamay) – kalauna'y naging isang halimaw na tila isang higanteng gagamba (Geomi goemul)
- Ginparwonsung-i goemul (halimaw na tila isang unggoy na may mga bisig na ubod nang haba)
- Yuksangseonsu goemul (halimaw na ubod nang bilis kung tumakbo)
- Bakjwi goemul (halimaw na parang paniki, ang nag-iisang halimaw sa Sweet Home na nakalilipad)
Iba pa
- Ang "halimaw" sa kaloob-looban ng bawat tao – ang mga mala-diyablong personang nabubuhay sa kaloob-looban ng bawat na tao at ginagamit ang mga lunggati ng tao upang mag-udyok sa pagbabagong-anyo at pagiging halimaw.
- Ang mga bagong tao – ang mga bagong uri ng taong nabubuhay mula sa mga pumanaw na halimaw; sila'y hindi nakararamdam ng emosyon at hindi na marunong magkaroon ng pagnanais.