Pumunta sa nilalaman

Kate Chopin

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Hindi na suportado ang printable version at posibleng may mga error ito sa pag-render. Paki-update ang mga bookmark niyo sa browser at pakigamit na lang po ang default na print function ng browser niyo.
Kate Chopin
Kapanganakan8 Pebrero 1850(1850-02-08)
St. Louis, Missouri, United States
Kamatayan22 Agosto 1904(1904-08-22) (edad 54)
St. Louis, Missouri, United States
TrabahoNovelist, short story writer
Kilalang gawaThe Awakening

Si Kate Chopin, kilala bilang Katherine O'Flaherty nang maipanganak (8 Pebrero 1850 – 22 Agosto 1904), ay isang Amerikanong manunulat ng mga maiikling kuwento at mga nobela. Siya ngayon ay itinuturing ng iilang tao bilang isa sa mga nangungunang peministang manunulat ng ika-20 siglo.

Mula 1892 hanggang 1895, siya ay nagsulat ng mga maiikling kuwento para sa mga bata at mga matatanda na inilathala sa mga pahayagan at magazines na gaya ng Atlantic Monthly, Vogue (magazine), The Century Magazine, at The Youth's Companion. Ang kanyang mga pangunahing nagawa ay ang kaniyang kalipunan ng mga maiikling kuwento, Bayou Folk (1894) at A Night in Acadie (1897). Ilan sa kaniyang mga importanteng maiikling kuwento ay ang mga sumusunod: Desiree's Baby, kuwento ng pakikipag-ugnayan sa iba-ibang lahi o miscegenation sa Antebellum era Louisiana (na inilathala noong 1893),[1] The Story of an Hour (1894),[2] at The Storm(1898).[1] Ang The Storm ay karugtong o kasunod ng The 'Cadian Ball, na lumitaw sa kaniyang unang kalipunan ng mga maiikling kuwento, Bayou Folk.[1] Si Chopin ay nagsulat rin ng dalawang nobela: At Fault (1890) at The Awakening (1899), na ginanap sa New Orleans at Grand Isle, Louisiana. Ang mga tauhan sa kaniyang mga kuwento ay mga taong naninirahan sa Louisiana. Karamihan sa kaniyang mga ginawa ay ginanap sa Natchitoches, Louisiana sa gitnang hilaga ng Louisiana.

Sa loob ng isang dekada matapos niyang pumanaw, si Chopin ay kinilala bilang isa sa mga nangungunang manunulat ng kaniyang kapanahunan. Noong 1915, si Fred Lewis Pattee[3] ay isinulat ang sumusunod na pahayag, (isinalin sa Filipino) "ilan sa mga gawa ni Chopin ay katumbas ng mga pinakamahusay na gawa na nailathala sa Pransiya o kahit na sa Amerika. Siya ay nagpakita ng likas na kakayahan sa pagsasalaysay gaya ng isang henyo."

Kabataan

Si Chopin ay ipinanganak bilang Kate O'Flaherty sa St. Louis, Missouri. Ang kaniyang ama, si Thomas O'Flaherty, ay isang matagumpay na mangangalakal na dumayo mula sa Galway, Ireland. Ang kaniyang ina, si Eliza Faris, ay isang kilalang myembro ng komunidad sa Pransiya sa St. Louis. Ang kaniyang lola sa panig ng kaniyang ina, si Athénaïse Charleville, ay isang French Canadian. Ilan sa kaniyang mga ninuno ay nabibilang sa mga unang taga-Europa na nanirahan sa Dauphin Island, Alabama. Siya ay ikatlo sa kanilang limang magkakapatid, ngunit ang kaniyang mga kapatid na babae ay namatay noong sila ay mga sanggol pa lamang at ang kaniyang mga kapatid na lalake (mula sa unang asawa na kaniyang ama) ay namatay noong sila ay nasa dalawampung taon pa lamang. Siya lamang sa kanilang magkakapatid ang nabuhay ng lagpas dalawampu't limang taong gulang. Pagkalipas ng kamatayan ng kaniyang ama noong 1855, si Chopin ay mas naging malapit sa kaniyang ina, lola, at sa kaniyang lola sa tuhod. Siya ay naging masugid na tagabasa ng mga kuwento ukol sa pantasya na pambata, mga tula, mga metapora o iba't ibang representasyon sa mga sulating may kinalaman sa relihiyon, pati na rin ng mga klasiko at napapanahong nobela.

Noong 1855, sa edad na lima't kalahating taong gulang, siya ay pinag-aral sa The Sacred Heart Academy, isang Katolikong paaralang pangaserahan sa St. Louis. Ang kaniyang ama ay namatay dalawang buwan ang nakalipas, nang ang kaniyang sinasakayang tren ay dumaan sa isang tulay at ito'y gumuho. Sa sumunod na dalawang taon, siya ay nanirahan kasama ang kaniyang ina. lola, at lola satuhod, at lahat sila ay mga byuda na. Ang kaniyang lola sa tuhod, si Victoria Verdon Charleville ang nagbigay edukasyon sa kaniya at tinuruan siya ng salitang Pranses, musika, at mga usapin tungkol sa mga kababaihan sa St. Louis. Si Kate O'Flaherty ay lumaki na napaliligiran ng mga matatalinong independienteng mga babae na walang asawa. Sila rin ay mga babaeng may dunong at nagmula sa angkan ng mga dakila at kamangha-manghang mga babae. Ang mismong ina ni Victoria ay ang kauna-unahang babae sa St. Louis na nakakamit ng legal na pakikipaghiwalay sa kaniyang asawa, at pagkatapos, siya ang nagpalaki sa kaniyang limang anak at nagpatayo ng negosyo sa pagpapadala sa Mississippi. Hanggang sa maglabing-anim na taon si Kate, walang mag-asawa ang nakatira sa kanilang tahanan, ngunit maraming nananahan doon na mga kapatid na lalake, mga tiyo, mga pinsan, at mga nangungupahan. Nang sumapit ang 1865, siya ay nagbalik sa Sacred Heart Academy, at nagsimulang gumawa ng isang libro na pinagtatalaan ng iba't ibang impormasyon. Siya ay nagtapos sa Sacred Heart Academy noong 1868, ngunit hindi nakatanggap ng kahit anong espesyal na karangalan.

Panahon ng Kahirapan

Chopin and her children in New Orleans, 1877
Chopin house in Cloutierville

Noong 1870, sa edad na 20, pinakasalan niya si Oscar Chopin at nanirahan sa New Orleans. Sa edad na 29, siya ay may anim na anak. Noong 1879, ang negosyo ni Oscar Chopin sa bulak ay nalugi, at ang kanilang pamilya ay lumipat sa Cloutierville, Louisiana, timog ng Natchitoches Parish, Lousiana para mamahala ng ilang maliliit na plantasyon at isang tindahan. Sila ay naging masigasig sa pakikihalubilo sa kanilang komunidad, at si Chopin ay mas natuto pa ng mga karagdagang kaalaman para sa kaniyang pagsusulat sa hinaharap, lalo na ang may mga kinalaman sa kultura ng mga Creole sa Louisiana. Ang kanilang tahanan sa 243 Highway 495 (na ginawa ni Alexis Cloutier sa mga unang panahon ng nasabing siglo) ay isang historikong palatandaan at ang tahanan ng Bayou Folk Museum. Noong 1 Oktubre 2008, ang kanilang bahay ay nasunog, at ang kanila lamang tsiminea ang natirang buo.[4]

Noong mamatay si Oscar Chopin noong 1882 (gaya ng kaniyang kapatid dalawang dekada ang nakalipas), iniwanan niya si Kate ng may $12,000 na utang (halos $250,000 ang katumbas sa pera noong 2009). Ayon kay Emily Toth, (isinalin sa Filipino) "sa sandaling panahon, ang byudang si Kate ang nagpatakbo sa naiwang negosyo ni Oscar at umalembong ng bongga sa mga kalalakihan sa kanilang komunidad; kahit sa isang may-asawang magsasaka ay nakipagrelasyon siya".[5] Kahit na nagsikap si Chopin na panatilihing buhay ang plantasyon at tindahan ng kaniyang asawa, ibinenta niya ang kaniyang Louisiana business makalipas ang dalawang taon. Ang kaniyang ina ay hinikayat siyang bumalik sa St. Louis, at yun naman ay kaniyang sinunod, at ang kaniyang mga anak ay nanatiling naninirahan sa St. Louis, kung saan ang mga tao ay wala nang pakialam sa pananalapi. Sa sumunod na taon, ang ina ni Chopin ay pumanaw na.

Sa mga panahong iyon, naranasan ni Chopin ang matinding depresyon matapos mamatay ang kaniyang asawa at ina. Ang kaniyang kaibigan na dalubhasa sa pagpapaanak na si Dr. Frederick Kolbenheyer ay naisip na ang pagsusulat ay mabuting paraan sa paggagamot ng depresyon ni Kate. Nalalaman niya na ang pagsusulat ay maaaring ihawi ang atensiyon ni Kate sa kaniyang mga problema, at maaari rin itong pagmulan ng pagkakakitaan.[6]

Sa mga unang parte ng 1890, si Kate Chopin ay nagsimula nang magsulat ng mga maiikling kuwento, mga artikulo, at mga pagsasalin na itinatampok sa mga peryodiko, gaya ng St. Louis Post-Dispatch. Siya ay unti-unting nagiging matagumpay at ang kaniyang mga katha ay naitampok sa mga peryodiko ng literatura. Ngunit siya ay mas nakilala bilang manunulat ng mga kathang may kinalaman sa relihiyon at ang kaniyang kakayahan sa literatura ay hindi gaanong napansin.

Noong 1899, ang kaniyang ikalawang nobela, ang The Awakening, ay nailathala, at ang aklat na ito ay tumanggap ng maraming puna dahil sa moral nito at ang mga pamantayan sa literatura. Ang nobelang ito na kinikilala bilang kaniyang pinakamahusay na nagawa ay kuwento ng isang babaeng nakakulong sa isang hindi makatwirang lipunan. Nang hindi na ito muling inilimbag sa loob ng ilang dekada, ito ay maaari nang makuha, at madalas punahin dahil sa kalidad ng pagkakasulat at importansiya peminismo.

Ilan sa kaniyang mga sulatin, gaya ng The Awakening, ay malayo na ang agwat para sa kanilang panahon kaya hindi ito masyadong tinanggap ng lipunan. Makalipas ang halos labindalawang taon sa mata ng publiko sa literatura at hindi pa rin natanggap ng lipunan, si Chopin ay isang manunulat na halos hindi kilala.

Dahil sa matinding pamimintas at pamumuna na natanggap, naisipan ni Chopin na magsulat na lamang ng mga maikling kuwento. Noong 1900, isinulat niya ang The Gentleman from New Orleans, at sa parehong taon, siya ay isinama sa unang edisyon ng Marquis Who's Who. Gayunman, hindi siya kumita ng sapat sa kaniyang pagsusulat, at umaasa pa rin sa kaniyang pinuhunan sa Louisiana at patuloy pa rin siyang inalalayan ng St. Louis.

Habang namamasyal sa St. Louis World's Fair noong 20 Agosto 1904, si Chopin ay nagkaroon ng brain hemorrhage o pagdurugo sa loob ng utak at namatay makalipas ang dalawang araw sa edad na 53. Siya ay inilibing sa Bellefontaine and Calvary Cemeteries sa St. Louis.

Temang Pampanitikan

Si Kate Chopin ay may iba-ibang pamamaraan sa pamumuhay. Ang kaniyang mga pamamaraan ay nagbigay sa kaniya ng iba-ibang pananaw, pagkakaintindi, at masusing pagsusuti sa huling bahagi ng ika-19 na siglo. Ang kaniyang kabataan ay binuo ng pagpapalaki mula sa mga babaeng nagmula sa lahi ng mga pamilyang Irlandes at Pranses. Napagtanto ni Chopin na kabilang na rin siya sa mga Cajun at Creole nang siya ay sumama sa kaniyang asawa sa Louisiana. Bilang resulta, karamihan sa kaniyang mga kuwento at mga guhit ay tungkol sa kaniyang buhay sa Louisiana kasama na rin ang kaniyang hindi pangkaraniwang paglalarawan sa mga babae bilang mga taong may kagustuhan at pangagailangan.

Ang kakaibang estilo ni Chopin sa pagsusulat ay nakapukaw ng atensiyon at paghanga mula kay Guy de Maupassant.

... (isinalin sa Filipino) Binasa ko ang kaniyang mga kuwento at namangha sa mga ito. Ito ay may buhay at hindi kathang-isip lamang; dahil sa ang mga balangkas, ang makalumang kayarian nito, sa di sukat akalaing pamamaraan, na aking kinagiliwan, ay importante sa sining ng paggawa ng kuwento. Narito ang isang lalake na tinakasan ang makalumang tradisyon, isang lalake na pumasok sa kaniyang sarili at tinanaw ang buhay mula sa kaniyang kalooban, at sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga mata; at siya, sa isang direkta at simpleng pamamaraan, ay ikinuwento sa atin kung ano ang kaniyang nakita...[7]

Si Kate Chopin ay nilampasan pa ang pamamaraan ni Maupassant, at ito ay nagbigay ng sarili niyang estilo. Mayroon siyang kakayahan para madama at maintindihan ang tunay na buhay at isulat ito sa malikhaing pamamaraan. Binigyan niya ng pansin ang buhay ng kababaihan at ang kanilang pakikibaka para makalikha ng sariling pagkakakilanlan sa loob ng mga hangganan ng pamumuno ng mga kalalakihan. Sa The Story of an Hour, naglaan si Gng. Mallard ng panahon para sa kaniyang sarili na makapgmuni-muni nang malaman niyang namatay ang kaniyang asawa. Sa halip na magmukmok sa katotohanang magiging malungkot ang hinaharap niya, napagtanto niya ang isang bagay. "Alam niya na muli siyang luluha kapag kaniyang nakita ang mapagmahal na mga kamay na nakatiklop sa kamatayan; ang mukhang hindi kailanmang tumingin sa kaniya ng may pagmamahal, ay hindi na kumikilos, kulay-abo, at patay na. Ngunit nakita niya mula sa mapait na sandali na iyon ang mahabang panahon na darating na kaniyang-kaniya lamang. At kaniyang ibinuka at iniunat ang kaniyang mga kamay bilang pagtanggap sa darating na panahong iyon."[2]

Kakaunti lamang ang mga manunulat noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo ang mapangahas na magbanggit ng mga paksa na maluwag sa loob na tinalakay ni Chopin. Ngunit ayon kay David Chopin, kanyang apo, (isinalin sa Filipino) "Si Kate ay hindi isang peminista o supragista (suffragist), ayon na rin mismo sa kaniya. Gayunman, siya ay isang babae na sineseryoso ang pagkababae. Hindi niya pinagdudahan na ang mga kababaihan ay may kakayahang maging matatag at matibay.".[8] Sa kabila ng katunayang ito, walang kaduda-duda kung saan nakatuon ang simpatya ni Kate Chopin: sa indibidwal na konteksto ng kani-kanilang personal na buhay at katayuan sa lipunan.

Sa pamamagitan ng kaniyang mga kuwento, isinulat ni Kate Chopin ang kaniyang sariling talambuhay at idinokumento ang kaniyang kapaligiran; nabuhay siya sa panahong na ang kaniyang kapaligiran ay binubuo ng mga kilusan sa pagwawakas ng anuman, at pag-usbong ng peminismo. Ang kaniyang mga ideya at pagpapakahulugan ay hindi makatotohanan sa bawat salita, ngunit mayroon itong elemento ng katotohanang nakadantay sa bawat kuwento. Si Chopin ay may matinding interes sa kaniyang kapaligiran at inilapat sa mga salita ang kanyang mga nakikita at obserbasyon. Nakita ni Jane Le Marquand ang mga sulatin ni Chopin bilang bagong boses ng peminismo, samantalang ang ibang mga tao naman ay tinuturing itong boses ng isang indibidwal na nagkataong babae. Ayon kay Marquand, (isinalin sa Filipino) "Iwinawaksi ni Kate Chopin ang patriyarkal na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaloob sa Iba, sa babae, na may sariling pagkakakilanlan at pakahulugan sa sarili, ang pakahulugan sa sarili kung saan ang mga titik na kaniyang iniiwan ay nagbibigay boses. Ang 'opisyal' na bersiyon ng kaniyang buhay, na binuo ng mga lalake sa kaniyan kapaligiran, ay hinamon ng babae sa kaniyang kuwento."[7] Ginagamit ni Chopin ang kaniyang kakayahan sa malikhaing pagsulat para maibahagi ang makatotohanang pananaw niya sa kaniyang mga paniniwala sa katatagan ng kababaihan. Ang ideya ng malikhaing makatotohanang kuwento ay maaaring makita bilang may kaugnayan sa kasong ito. Upang ang isang istory ay maging sariling talambuhay, o kahit na simpleng talambuhay lamang, si Marquand ay nagsulat, kailangang may isang makatotohanang elemento, na kadalasang hindi ginagawang labis ang katotohanan para manatili ang interes ng mga mambabasa. May mga mahahalagang pananaw sa labas ng monopolyong peministang pamumuna sa mga babaeng manunulat, ngunit ang mga boses na ito ay wala pang lakas sa mga panahon ng pampolitikang kawastuhan.biased Maaaring nagulat rin si Kate Chopin nang ang kaniyang mga gawain ay itinuring na gawaing peminista, gaya ng pagkagulat niya nang ang kaniyang mga isinulat ay itinuring na imortal. Mahirap kailanman ang sabihin ng mga kritiko na ang isang manunulat ay mga indibidwal lamang na may sariling pananaw at walang espesyal na mensahe sa isang partikular na pangkat sa lipunan.

Ang Désirée's Baby ay nakatuon sa mga karanasan ni Kate Chopin sa pakikisama sa mga Creoles ng Louisiana. Ang ideya ng pang-aalipin at ang atmospera ng buhay sa isang plantasyon ay mga tunay na pangyayari sa Louisiana. Ang posibilidad ng isa na magkaroon ng magkahalong pinagmulan ay nabasa rin. Ang mga Mulatto, mga taong may lahing itim at puti, ay mga pangkaraniwang lahi na sa Katimugang bahagi ng nasyon. Ang isyu ukol sa kapootang panlahi o racism na itinampok sa kuwento ay isang katotohanang hindi dapat ipagsawalang-bahala sa kasagsagan ng ika-19 na siglo sa Amerika.Ang madilim na realidad ng kapootang panlahi ay buong-buong ipinapakita sa kuwentong ito dahil si Chopin ay walang takot na ipinahayag ang ganoong klaseng suliranin na kadalasan namang ipinapagsawalang-bahala para makaiwas sa mapait na katotohanan, gaya ng ginawa ni Armand nang hindi niya pinaniwalaang nagmula siya sa lahi ng mga itim. Ang pagpakahulugan ng isang kuwentong katha ay mayroon itong makatotohanang paksa ng "pananatili ng tao sa kaniyang mahiwaga, kumplikado, tunay na kahulugan, na inilayo mula sa mga pananaw na nakakubli sa etikal at konbensiyonal na pamantayan".[9]

Mga Nagawa

Kate Chopin
  • "Bayou Folk"
  • "A Night In Acadie"
  • At the Cadian Ball (1892)
  • The Storm (short story)|The Storm (1898)
  • The Story of an Hour (1894)
  • "Désirée's Baby"
  • "A Pair of Silk Stockings"
  • "Athenaise"
  • "Lilacs"
  • "A Respectable Woman"
  • "The Unexpected"
  • "The Kiss"
  • "Beyond the Bayou"
  • "Beauty of The Baby"
  • "A No-Account Creole,"
  • "Fedora,"
  • "Madame Célestin's Divorce."
  • At Fault (1890) Nixon Jones Printing Co, St. Louis
  • The Awakening (1899) H.S. Stone, Chicago

Mga sanggunian

Louisiana Public Broadcasting, sa ilalim ng pamumuno ni Beth Courtney, ay bumuo ng dokumentaryo sa buhay ni Chopin Kate Chopin: A Reawakening.[10]

  1. 1.0 1.1 1.2 William L. (Ed.) Andrews, Hobson, Trudier Harris, Minrose C. Gwwin (1997). The Literature of the American South: A Norton Anthology. Norton, W. W. & Company. ISBN 9780393316711.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)
  2. 2.0 2.1 Chopin, Kate. The Story of an Hour.
  3. A History of American Literature Since 1870, Harvard University Press, p. 364
  4. Welborn, Vickie (2008-10-01). "Loss of Kate Chopin House to fire 'devastating'". The Town Talk.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  5. Toth, Emily. "Reviews the essay' The Shadows of the First Biographer: The Case of Kate Chopin.' Southern Review 26 (1990).
  6. Seyersted, Per (1985). Kate Chopin: A Critical Biography. Baton Rouge, LA: Louisiana State UP. ISBN 080710678X.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. 7.0 7.1 Le Marquand, Jane. "Kate Chopin as Feminist: Subverting the French Androcentric Influence". Deep South 2 (1996)
  8. Kate Chopin: A Re-Awakening. "Interview: David Chopin, Kate's Grandson". 14 Marso 2008
  9. Foy, R.R. "Chopin's Desiree's Baby". Explicatory 49 (1991): 222–224.
  10. "Beth Courtney: President and Chief Executive Officer". beta.lpb.org. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-10-20. Nakuha noong 25 Setyembre 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga Pinagmulan at Basehan

  • "Kate O'Flaherty Chopin" (1988) A Dictionary of Louisiana Biography, Vol. I, p. 176
  • Koloski, Bernard (2009) Awakenings: The Story of the Kate Chopin Revival. Louisiana State University Press, Baton Rouge, LA. ISBN 978-0-8071-3495-5
  • Eliot, Lorraine Nye (2002) The Real Kate Chopin, Dorrance Publishing Co., Pittsburgh, PA. ISBN 0-8059-5786-3
  • Berkove, Lawrence I (2000) "Fatal Self-Assertion in Kate Chopin's 'The Story of an Hour'." American Literary Realism 32.2, pp. 152–158.

Mga Eksternal na Kawing

May koleksyon ng mga sipi ang Wikiquote sa Ingles tungkol sa paksa ng artikulong ito.