1. Home
  2. Lipunan
  3. Paglahok sa Komunidad

[Ulat] Filipino Heritage Month: Larong Pinoy nagbigay sigla sa Pista sa Truro

Nagtagisan sa larong Pinoy ang Filipino Canadians sa isang bayan sa Nova Scotia

Batang babae karga-karga ng magulang na tumatakbo.

Masayang nagtagisan sa pampamilyang laro na 'upong prinsesa' ang mga kalahok sa Pista sa Truro na inorganisa ng Filipino Association of Truro.

Litrato: Ruby Lapatha

RCI

Muling idinaos ang Pista sa Truro sa lalawigan ng Nova Scotia matapos ang nagdaang dalawang taon. Mas pinasaya ang pagdiriwang sa Filipino Heritage Month sa komunidad ng mga Pilipino sa Truro dahil sa nakakaaliw na mga larong Pinoy.

Hindi nawawala ang salusalo tuwing may pagtitipon. Pero ngayong taon idinaan din sa isang paligsahan ng mga larong Pinoy ang kasiyahan na ginanap sa Victoria Park sa bayan ng Truro.

Dahil matagal na kami dito sa Canada at hindi pa kami nakakauwi sa Pilipinas with this kind of event parang hindi mo mami-miss home kasi we celebrate it here. At saka andaming Pilipino na nag-join kaya nakakatuwa, sabi ng residente na si Marisol Aggabao.

Mahigit isang dekada na hindi nakauwi sa Pilipinas si Marisol at ang kanyang pamilya.

Ang saya, very nostalgic kasi ito 'yung madalas ko na mga nilalaro noong kabataan ko sa Pilipinas, ani Marisol na lumaki sa Cauayan City sa lalawigan ng Isabela.

Hindi pinalampas ni Marisol na maipakita, mapa-experience at kasama na makalaro ang kanyang anak na si Athena sa mga larong Pinoy.

Mag-asawa karga-karga ang anak.

Binuhat nina Marisol at asawang si Rodel ang anak na si Athena, 8, sa pabilisan na larong upong prinsesa.

Litrato: James de Guzman

Tuwang-tuwa siya kasi ipinanganak siya [Athena] dito sa Canada kaya hindi niya alam ang mga ganyang laro. Anak ko is very competitive kaya she really likes joining, masayang sabi ni Marisol.

Hinati sa dalawang grupo ang may higit sandaang residente mula sa komunidad ng mga Pilipino sa bayan ng Truro at karatig-lugar na nakilahok sa kasiyahan.

Dalawang babae nakatuntong sa dalawang kahoy habang hawak ang lubid.

Hirap makaabante at usad-pagong sa paligsahan na kadang-kadang ang mga manlalaro kung saan kailangan sabay nilang maigalaw ang kanilang mga yapak.

Litrato: James de Guzman

Isa sa kinagiliwan ang larong patintero na ayon sa event host na si Chris de Guzman ay may mga nakakatawang eksena.

Hindi kasi umano nasusunod at maya’t maya ay kailangan ipaliwanag ang mga tuntunin ng laro.

'Yung patintero sa bawat isang game, this time binibigyan ko ng 15 minutes kada gap para matuto. Kasi nakakalimutan na nila 'yung rule, natatawa na sabi ni Chris.

Mga naglalaro ng patintero.

Parehong kinagiliwan ng manlalaro at manonood ang larong patintero sa ginanap na Pista sa Truro.

Litrato: Ruby Lapatha

Bukod sa patintero at upong prinsesa ay masayang nagpasiklaban ang mga kalahok sa larong batuhang bola (touchball), sipa, kadang-kadang, limbo rock, sack race, longest line at tug-of-war.

Mga babae sa linya hawak ang lubid

Hiwalay na nagtagisan sa tug-of-war ang mga babae at mga lalake.

Litrato: Ruby Lapatha

Layunin sa ginanap na Pista sa Truro na mas lalong mapalapit ang mag-pamilya at ang mga kababayan na nakatira sa kanilang komunidad. At para na rin maipakilala ang mga larong Pinoy.

Sinabi ni Filipino Association of Truro President Ron Garcia na mahalagang maipadama sa kabataan sa kanilang komunidad ang mga laro na maipagmamalaking tatak Pilipino.

Nakikita ng younger generation that this is what we did and who we are, sabi ni Garcia.

Lalaki akmang pinalo ang bola sa larong volleyball.

Bukod sa mga larong Pinoy ay na-enjoy din ng mga manlalaro ang volleyball na isa sa nakahiligan na sports ng mga Pilipino.

Litrato: Ruby Lapatha

Unang ginanap ang Pista sa Truro noong Hunyo 2019 bilang pakikibahagi sa unang selebrasyon ng Filipino Heritage Month sa buong Canada.

Hindi ito nasundan sa nakalipas na dalawang taon dahil sa mga paghihigpit buhat ng magpandemya.

Ang taunang Filipino Heritage Month tuwing buwan ng Hunyo ay isang pagkilala sa kontribusyon ng Filipino Canadians sa bansa, yaman ng wika at kultura at pagpapahalaga sa lahing Pilipino.

Truro Mayor Bill Mills hawak ang isang kadena para itaas ang bandila ng Pilipinas habang nakatingin ang mga tao.

Pinangunahan ni Truro Mayor Bill Mills ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa Truro Town Hall sa pagbubukas ng Filipino Heritage Month noong Hunyo 1.

Litrato: Chris de Guzman

Idineklara ang selebrasyon ng Filipino Heritage Month sa pamamagitan ng mosyon na itinulak noon ni Member of Parliament Salma Zahid ng Scarborough Centre sa House of Commons. Inaprubahan ang isinulong na selebrasyon, M-155, noong ika-30 ng Oktubre 2018.

Kahit Canadian na ako, Pilipino ako - all through and through. Nakakakilabot na kinakanta mo 'yung Lupang Hinirang dito sa foreign land. Iba ang dating. Iba ang feeling. Tumatayo ang balahibo ko. We are away thousands of miles away from the Philippines but we get to do this, pagmamalaki na sabi ni Garcia.

Kaugnay na mga ulat:

Mga Ulo ng Balita